(Hidilyn ‘di pa magreretiro) “KAYA KO PA, MAY IBIBIGAY PA AKO”

Hidilyn Diaz

WALANG plano si Hidilyn Diaz na huminto sa weightlifting makaraang gumuhit ng kasaysayan nang masikwat ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Olympic Games.

Ang 30-anyos na si Diaz ay nagtala ng Olympic record sa clean and jerk (127kg) at total lift (224kg) sa paghablot ng gold medal sa women’s 55kg event noong Lunes ng gabi sa Tokyo International Forum.

Ito na ang ika-apat na Olympic appearance ni Diaz, kung saan una siyang sumabak noong 17-anyos pa lamang siya sa Beijing noong 2008. Nagwagi siya ng silver sa 2016 Rio Olympics.

Subalit naniniwala siyang kaya pa niyang lumaban kahit narating na niya ang rurok ng kanyang sport.

“For me, I will focus on the SEA (Southeast Asian) Games, and then may world championship kami,” ani Diaz sa Philippine media sa isang press conference Martes ng umaga.

“Hindi ako mag-i-stop, dahil kaya ko pa. Nakita ko ang galing ko, at alam ko na may ibibigay  pa ako para sa Pilipinas together with Team HD, and with the help of the POC (Philippine Olympic Committee) and the PSC (Philippine Sports Commission),” dagdag pa niya.

“Hindi puwedeng after winning, susuko na ako.”

Bago nagwagi sa Tokyo, si Diaz ay nanalo na ng gold sa Asian Games noong 2018, at sa SEA Games noong 2019.

175 thoughts on “(Hidilyn ‘di pa magreretiro) “KAYA KO PA, MAY IBIBIGAY PA AKO””

Comments are closed.