HIDILYN MAPAPALABAN SA TURKMENISTAN

Hidilyn Diaz

MATAPOS ang dalawang buwang pahinga mula sa pagwawagi ng gold medal sa Asian Games sa Indonesia ay tutungo si Hidilyn Diaz sa Turkmenistan para sumabak sa World Weightlifting Championship na gaganapin sa capital city Ashgabat sa Nobyembre 1.

Magugunitang sa bansang dating sakop ng Russia nanalo si Diaz sa Asian Indoor Games at Martial Arts, ilang buwan na ang nakararaan.

Nangako si Diaz na gagawin niya ang lahat para manalo uli.

“Gagawin ko ang lahat ag gagamitin ko ang lahat ng nalalaman ko sa weightlifting para manalo at muling bigyan ng karangalan ang bansa,” sabi ng 26-anyos na anak ng isang tricycle driver sa Zamboanga.

Aalis si Diaz kasama ang kanyang Chinese coach sa Oktubre 28.

Ang torneo ay isa sa mga qualifying sa 2020 Tokyo Olympics.

“Back to zero ako. Hindi nangangahulugan na dahil nanalo ako sa Brazil ay exempted na ako sa qualifying. Kailangang sumali uli ako sa qualifying para makapaglaro sa Olympics,” pahayag ni Diaz.

Sinabi ni Diaz na mabigat ang laban niya dahil lahat ng magaga­ling sa kanyang division ay lalahok.

“Mabigat ang laban ko rito. Nakahanda ako at kaya kong lumaban nang sabayan,” sabi ni Diaz.

“Regular ang ensayo ko morning and afternoon to keep me in top form. Sa umaga ay jogging at matapos nito ay buhat ng barbell hanggang afternoon. Kailangan ang jogging para gumana lahat,” dagdag pa niya.

Sasabak si Diaz sa 53kgs. na kanyang dinomina sa Asian Weightlifting, Brazil Olympics, Asian Games, SEA Games, at ASEAN Weightlifting.

Ang kampanya ni Diaz ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na  pinamumunuan ni Chairman William Ramirez.                        CLYDE MARIANO

Comments are closed.