DAHIL sa pagkakaloob ng kagalakan sa bansa at sa pag-ukit ng kasaysayan, si weightlifter Hidilyn Diaz ay gagawaran ng 2021 Athlete of the Year award sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa March 14 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Winakasan ni Diaz ang matagal na paghihintay ng Pilipinas para sa Olympic glory na tumagal ng halos isang siglo nang makopo ang makasaysayang gold medal sa women’s 55 kg event ng Tokyo Olympiad.
Ang tagumpay ay kalaunang nagbigay ng inspirasyon sa Olympic bid ng mga Pinoy sa gitna ng pandemya nang magwagi ang boxing ng tatlo pang medalya sa likod nina silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze medalist Eumir Marcial na nagselyo sa pinakamatagumpay na kampanya ng bansa sa Summer Games.
Pinangungunahan ni 30-year-old Diaz ang listahan ng top achievers noong nakaraang taon na kikilalanin sa event na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at ng Cignal TV.
“Hidilyn Diaz winning the country’s first ever Olympic gold medal was definitely the highpoint of what had been a truly memorable year for Philippine sports. The PSA was unanimous in its choice of Hidilyn as our Athlete of the Year for 2021,” wika ni PSA president Rey C. Lachica, sports editor ng Tempo.
Ang event na idinadaos taon-taon ng pinakamatandang media organization sa bansa ay itinataguyod ng MILO, 1Pacman, Philippine Basketball Association (PBA), Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, Smart, Philippine Racing Commission (Philracom), at ng MVP Sports Foundation (MVPSF).
Ang tagumpay ay kabilang lamang sa maraming karangalan na iniuwi sa bansa ni Diaz, na ipinagmamalaki ng Zamboanga City.
Ginawa ito ni Diaz sa ‘record style’. Nagtala siya ng bagong Olympic mark sa binuhat na 127 kg sa clean and jerk, at isa pa sa likod ng total lift na 224 kilogram nang gapiin si Chinese rival at record holder Liao Qiuyun sa dramatic finale para sa gold.
Gumawa rin ng kasaysayan ang lady weightlifter bilang ikalawang Filipino athlete na nagwagi ng multiple Olympic medals kasunod ni late swimmer Teofilo Yldefonso (dalawang bronze medals).
Ito na ang ikatlong Athlete of the Year honor na igagawad ng PSA kay Diaz sa nakalipas na anim na taon.
Una niyang nakopo ang award noong 2016 nang masikwat niya ang silver sa Rio De Janeiro Olympics, na tumapos sa 20-year medal drought ng bansa sa quadrennial showpiece.
Pagkalipas ng dalawang taon, nakasalo niya sa parehong parangal ang golfing trio nina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan, at Lois Kaye Go, kasama si skateboarder Margilyn Didal makaraang magwagi sila ng gold sa 2018 Asian Games sa Indonesia.