HIGIT 1,500 BULAKENYONG ESTUDYANTE, BINIGYAN NG AYUDA

LUNGSOD NG MALOLOS – Nagtipon-tipon ang 1,575 mga Bulakenyong estudyante kabilang ang may 836 iskolar sa ilalim ng programang “Tulong Pang-Edukasyon para sa Kabataang Bulakenyo” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at 739 estudyante na binigyan ng pinansiyal na tulong sa ginanap na Scholars’ General Assembly sa The Pavilion Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kamakailan.

Pinangunahan nina Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado at Bise Gob. Daniel Fernando ang seremonyal na pamamahagi ng mga tseke at Katibayan ng Pagiging Iskolar sa mga dumalo sa pagtitipon.

Sa kanyang mensahe, ibinalita ni Alvarado ang tungkol sa bagong batas sa bansa na nagkakaloob ng libreng matrikula sa lahat ng state universities at colleges. Gayundin, binigyang linaw niya na ang scholarship program  ng Bulacan ay tuloy-tuloy pa rin para sa mga estudyante na hindi nag-aaral sa mga unibersidad at kolehiyo na sakop ng naturang batas.

“Sa atin pong private schools, our scholars, tuloy-tuloy po iyang programa ng ating Provincial Government. Kung ano po ang nakukuha natin noong isang taon ay ganoon din po  sapagkat hindi covered ng libreng pag-aaral  ang private institutions pero  ito pong kino-cover natin na mga iskolar sa private schools kung gaano kadami, dadagdagan pa po natin iyan,” ani Alvarado.

Hinimok din niya ang mga estudyante na mag-aral mabuti at huwag sayangin ang oportunidad na ibinigay sa kanila upang makapagtapos ng pag-aaral.

“Pag-igihan ninyo ang inyong pag-aaral dahil maliwanang ang inyong kinabukasan, kaila­ngan kayo ng lalawigan lalo na sa napipintong pag-unlad at pagdating ng ganap na kaunlaran sa Bulacan kabilang ang MRT 7 sa Tungkong Mangga at ABS-CBN sa San Jose Del Monte, mga bypass road sa North Luzon, North Railways at ang kaka-approve lang na airport along the coastal areas,” ani Alvarado.

Sinabi naman ni dating kinatawan ng Unang Distrito ng Bulacan na si Marivic  Sy-Alvarado na dumalo bilang ­panauhing pandangal na napakapalad ng mga estudyante na iskolar dahil sa ipinagkakaloob na maituturing na isang biyaya mula sa Panginoon at sa Pamahalaang Panlalawigan.  Aniya, naniniwala siya na isa sa kanila ay magi­ging isang mahusay na pinuno ng lalawigan.

“Dapat naniniwala tayo sa kakayahan natin, kaya tayo nag-aaral at nagsusumikap na sana balang araw ay makatapos tayo ng ating kurso sa kolehiyo nang sa ganoon kayong mga kabataan ang maging sandigan ­naming mga katandaan ­pagdating ng araw,” ayon sa dating ­kongresista. “Gayundin, inspirasyon ng Inang Bayan dahil susulong, uunlad  ang  ating lalawigan at bansa kung mayroon tayong  mga kabataang may matuwid na kaisipan  at mayroong intellect o karunu­ngan para gamitin sa kabutihan at para sa kapakinabangan ng ating pamayanan.”

Bago ito, nauna nang nagkaloob noong Mayo 4, 2018 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng mga Katibayan ng Pagiging Iskolar sa may 2,376 na estudyante ng Bulacan Polytechnic College.     A. BORLONGAN

Comments are closed.