UMAASA ang National Economic Development Authority (NEDA) na ipagpapatuloy ng administrasyon ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang economic agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay NEDA Undersecretary Rose Edillon, makatutulong kung ilalatag ni Marcos ang kanyang ispesipikong economic plans, subalit sinabing bumuo na ang ahensiya ng transition scheme na magbibigay prayoridad sa pagbangon ng ekonomiya.
“Ang tingin namin dito (priorities) ay… number one, i-accelerate natin ‘yung economic recovery. Number 2, i-build natin ‘yung resiliency and number 3, let’s promote innovation para maging agile tayo kung ano man ang maging challenges natin,” sabi ni Edillion sa isang public briefing.
“’Yon po ang aming hope at ‘yun din naman po ang ilalatag namin sana sa incoming administration kasi ang importante po talaga ay policy continuity,” dagdag pa niya.
Kabilang sa economic plans ng dating senador ang pagpapatuloy sa ‘Build Build Build’ program ni Duterte, pagbabalik sa mga trabahong nawala sanhi ng COVID-19 sa pamamagitan ng tax holidays at tax amnesties sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Nais din ni Marcos na magkaloob ng ayuda sa mga magsasaka at matamo ng bansa ang herd immunity laban sa COVID-19.