IDINULOG sa gobyerno ni Senior Citizen partylist Congressman Rodolfo Ordanes na gawing prayoridad sa pagbibigay tulong ang mga naka-katanda na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng Super typhoon Rolly.
“Tinutukan ko sa telebisyon, radyo at social media ang mga pangyayari at tunay naman na nakakapanlumo ang mga imahe…mga bahay na natabunan ng putik, mga tao na kinailangan nang umakyat sa bubungan ng bahay para makaligtas sa rumaragasang baha, mga napinsalang bahay at nasirang ari-arian,”sabi ni Ordanes.
Ayon sa mambabatas, nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Social Welfare and Development at Department of Health para sa agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga senior sa Bicol Region, Calabarzon, Metro Manila at Central Luzon.
Binanggit nito, nakasaad sa Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, prayoridad na mabigyan tulong ang mga nakakatanda, partikular na ang mga gamot, pagkain at kanilang mga pangangailangan.
“Hindi man tayo sa magkakasama pero nararamdaman ko ang paghihirap at bigat ng inyong kalooban. Walang makakatanggi sa kahalagahan ninyo sa ating lipunan, ang dunong at karanasan na inyong naibahagi ay nagsisilbing gabay ng mga sumunod na henerasyon,” ang mensahe ni Ordanes sa mga ‘senior.’
Una nang sumulat si Ordanes kay Pangulong Duterte para payagan na rin makalabas ang mga ‘senior’ na nasa edad hanggang 70 pagsapit ng Disyembre.
“Sana sa pagsapit ng Disyembre o mas maaga pa, payagan na ang mga seniors up to 70 years old na lumabas ng kanilang mga tahanan para sa makabili ng gamot sa botika, makabili ng pagkain at inumin, makapagsimba, at makita ang mga anak, apo, pamangkin, at inaanak,” katuwiran ng mambabatas.
Comments are closed.