HIMOK NI DUTERTE: PACQUIAO MAGRETIRO KA NA

DUTERTE-PACQUIAO

MATAPOS  na maagaw  ang korona kay Argentinian boxer Lucas Matthysse  sa  kanilang laban kanina sa Kuala Lumpur, Malaysia ay  pinagreretiro na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte si People’s Champ Manny Pacquiao.

Ayon sa Pangulo,  mas gusto nitong magretiro na ang kanyang kaibigan hindi dahil matatalo  na ito sa mga susunod na laban, kundi nais ng Pa­ngulo na i-enjoy naman ni Pacquiao ang buhay niya.  Hindi na umano prob­lema ng boxing champ ang pera “39 na siya, dapat i-enjoy naman niya ang buhay niya,” dagdag ng Pangulo.

Sobra-sobra na umano ang pera ni Pacquiao kaya ang dapat nitong gawin ay i-enjoy naman niya ito.

Nagsilbing dagdag na  inspirasyon kay Pacquaio ang suportang ipinakita ng  Pangulo na personal na nanood ng laban kasama pa si Malaysian Prime Minister Mahathir bin Mohammad na ilan lamang sa mga high profile personalities na nanood ng championship fight.

“Daghang salamat, Manny!  You are truly the People’s Champ!” pagbati pa ni Duterte.

“I would like to congratulate Senator Manny Pacquiao for giving us pride and bringing the Filipino nation together once more. You have proven time and again that you are not just a public servant, but one of the greatest boxers of all time. This win will surely cement, yet again, your position and legacy in boxing’s Hall of Fame. May you continue to inspire Filipinos not only in boxing but also in the public service,” pahayag ng Pangulo kay Pacman.

Maging ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ni AFP chief of Staff Gen Carlito Galvez at Army chief Ltgen Rolando  Bautista ay nagpahatid ng kanilang pagbati kay Paquiao, isa sa mga senior  Army reserve officer.

Kahapon ay muling nasaksihan ng mundo ang galing ng  Pinoy ring icon nang tapusin sa ikapitong round si Matthysse para muling masungkit ang WBA Welterweight championship belt.

Tatlong beses na pinabagsak ni Pacquiao (60-7-2, 39 KOs) si Matthysse (39-5, 36 KOs) bago tuluyang nasungkit ang WBA “regular” welterweight title sa kanilang  12 round schedule title bout.

Sa ipinakita ng only eight division world champion ay umugong ang usapan na hindi pa ito magreretiro. “Hindi pa tapos, nandiyan pa ako, disiplina lang ang kaila­ngan para maging malakas at mabilis ang katawan,” pahayag ni Pacquiao sa isang pana­yam sa telebisyon matapos itong manalo.

Pinag-iisipan na rin daw nito ang magretiro, pero hindi pa umano ito sa ngayon. “Malapit-lapit na,” ang pahayag pa ni Pacquiao.

Nakabawi rin si Pacquiao sa nangyari noong Hulyo 2017 nang ma-upset siya sa kontrobersiyal na 12-rounds bout kontra Jeff Horn sa laban na ginanap naman sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.

Naging makasaysa­yan ang ika-60 panalo ng fighting senator dahil personal na nanood sa laban sina Pangulong Duterte at si Prime Minister Mahathir.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.