(Hinihintay pa ng LTFRB) P1.6-B PONDO PARA SA FUEL SUBSIDY

WALA pang abiso ang Department of Transportation (DOTr) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa P1.6-billion na pondo para sa subsidiya sa transportation sector sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa ulat ng GMA News online, sinertipikahan ng Department of Energy (DOE) noon pang Marso na dapat ipatupad ang subsidy program makaraang umabot ang presyo ng krudo sa  $80 per barrel.

“Last month, nag-certify na po ang DOE to LTFRB, DOTr, at [Department of Agriculture] para i-trigger ang subsidy program dahil umabot na ng $80 last month pa lang,” wika ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad.

Sa ilalim ng programa, ang mga operator at  driver ng modern jeepneys ay tatanggap ng P10,000 halaga ng fuel subsidy, habang ang mga bus, mini bus, school bus, taxi, at traditional jeepney ay pagkakalooban ng P6,500.

Ang delivery riders ay tatanggap naman ng  P1,200 fuel subsidy habang ang  tricycle drivers ay P1,000.

“Meron batas that if the price of crude oil breaches 80 dollars per barrel, it will trigger the release of the fuel subsidy. Now, we are waiting for the advice from the DoTr para ibigay sa amin ang pondo para sa fuel subsidy,” pahayag ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.

Inamin naman ni Guadiz na may problema pa sa pamamahagi ng government subsidy.

Aniya, nagkakaroon sila  ng problema sa pagbabayad sa mga tricycle dahil hinahawakan ito ng DILG.

“Minsan kulang-kulang ang listahan kaya ang previous fuel subsidy hanggang iniatang at ibinigay ng gobyerno, ngayon hindi pa namin fully naibibigay,” dagdag pa niya.

Subalit sa halip na subsidiya ay ipinanawagan ng ilang  PUJ drivers ang taas-pasahe  sa gitna ng fuel price hike.

“‘Pag muli nilang ilalabas ‘yung kanilang petisyon, muli namin itong didinggin at kung may merito ang petition, we will consider their petition for a fare increase,” ani Guadiz.