MAASIM at mapakla ang bungang hinog sa pilit.
Hindi mawari kung mangunguya o agad na mailuwa ang mapait na kampanya na sinapit ng Philippine Women’s Team sa katatapos lamang na 21st Asian Women’s Club Volleyball Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Walang naipanalo sa elimination round ang Choco Mucho at Rebisco – dalawang koponan na isinabak ng kontrobersiyal na Philippine National Volleyball Federation Inc, (PNVF) – sa torneo na itinuturing na world-class sa antas ng kahusayan at kahandaan ng mga koponan na kumakatawan sa kani-kanilang bansa,
Hindi kulang sa husay kung tutuusin ang mga player ng Philippine Team, ngunit ang resulta at kabiguan na makapanalo ng laro ay isang sampal na katotohanan na kulang sa preparasyon, kapos sa kahandaan ang ating Pinay volleybelles,
Kapwa bokya sa kani-kanilang group assignment ang Choco Mucho at Rebisco. Kapwa tumapos sa hulihan na parehong may 0-4 karta. Ang siste, ang magkababayan at magkasangga ang nagtagpo sa classification round para sa ika-lima at ika-anim na puwesto.
Kung si ‘judge’ Armand Carandang – isa sa beterano at tunay na mulat sa sistema ng Philippine Sports – ang hihingan ng opinyon sa isyu, isang mahabang ‘Haaaaaaaaaaaaaa! ang magiging tugon nito.
Kung hindi nalimitahan ng pandemya ang kilos ng mahusay na sports editor na si Joe Antonio ng People’s Journal, mabilis pa sa alas-4 ang tipa sa makinilya nito para sa nakawiwindang na ‘headline’.
“Umuwi na lang kayo!’ isang halimbawa ng ulo ng istorya ni Mang Joe nang magtamo ng kaparehong kahihiyan sa abroad ang kampanya ng football team.
Matagal na nalugmok ang Philippine volleyball bunsod ng samu’t saring usapin na kinasangkutan ng mga opisyal. Huling nakasampa sa podium ang Pinay belles sa 2005 SEA Games, habang hindi pa nalalagpasan ang ika-18 pagtatapos ng koponan sa 1974 FIVB World Championship.
Mahabang panahon na nakibaka sa FIVB para sa karapatan ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang sportsman/philanthropist na si Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada, ngunit hindi niya kinaya ang ‘powers’ ng grupo ni Tatz Suzara at ni Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino. Hindi nakilahok si Tito Boy sa maniobra na itatag ang bagong grupo (PNVF), may isang taon na ang nakalilipas dahil sa kawalan ng tamang proseso. At ang lahat ay bahagi na ng kasaysayan.
Ngunit sa isang banda, hindi pa isinusuko ng PVF ang ‘Bataan’ higit sa nakitang kamalian sa proseso para maging lehitimong miyembro ang PNVF sa POC.
Nagmamadali para sa pagtanggap ng international volleyball community?
Ang pagpapadala ng hindi handa at kulang sa karanasan na mga players sa international tournament ay maihahalintulad sa pagpapatiwakal. Sa simula pa lang ay alam ng PNVF na walang ilalaban ang mahinang koponan, mahina dahil sa kakulangan ng mga player na dekalibre at dekalidad na tulad nina Alyssa Valdez, Mika Reyes o ng isang Jovelyn Gonzaga o Aiza Mazo.
Dahil sa pandemya na nagbabawal sa face-to-face interaction, walang lehitimong pagsasanay ang mga player. Naging daan lamang ang batak buto ng mga player sa bubble tournament ng Premier Volleyball League na nagdesisyong maging professional ngayong taon.
Tunay na umangat ang pagtanggap ng Pinoy sa volleyball at dinudumog na ang mga laro nito. Huwag sanamg masayang ang lahat dahil sa pilit na pagpapadala ng koponan para maipakita lamang ang pagiging lehitimo. Sa sports ay mahal ng Pinoy ang ‘winners’, huwag nang paabutin pa na mawala ang kilig ng masa sa sports. Gawing buhay na patotoo ang karanasan ng Philippine Azkals.
(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected])
Comments are closed.