HIRIT NA DAGDAG NA AGRI POST-HARVEST FACILITIES SINUPORTAHAN

AGRICULTURE OUTPUT

SINEGUNDAHAN ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang panawagan at hinaing ng iba’t ibang samahan ng mga magsasaka at mangingisda na ibayong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapagawa ng mga post-harvest facility bilang isa sa long-term solutions upang mapababa ang presyo ng agri at food products sa bansa.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon 1st Dist. Rep. Mark Enverga, ibinulalas ni Ramon Silverio, chairman ng Kaakibat Provincial Cooperative Council, ang malaking kakulangan ng nasabing pasilidad.

“Sana po pagdating naman ng anihan, doon sa pagbebenta naman ng produkto, dapat po matulungan din ninyo po kami kung paano. Ang nangyayari po kasi, maganda ang programa sa production, pagdating sa marketing, parang wala ho atang programa para sa magsasaka,” malungkot na pahayag ni Silverio.

“Dapat malagyan na po kaagad ng cold storage para naman po meron namang karapatan ang magsasaka na magtakda ng presyo ng kanilang ani,” dagdag niya.

Bilang tugon sa hinaing ni Silverio, binigyang-diin ni Lee na hindi sapat na ang mga produktong pang-agrikultura ay makarating lamang sa mga merkado at sa halip ay tutukan at masolusyunan din ng gobyerno ang napakalaking pagkalugi pagkatapos ng ani at ang kakulangan ng mga pasilidad.

Iginiit din ng AGRI party-list solon na dapat baguhin ang istratehiya sa “agriculture value chain” ng bansa upang matiyak na ang mga produkto ay may direktang ugnayan sa mga pamilihan at mga consumer.

“Ito ‘yung sinasabi na natin noon pang nakaraang budget hearing na kailangang aksiyunan agad. Napakalaki ng diperensya sa pondong ipinagkakaloob para sa pre-harvest activities kumpara sa inilalaan sa post-harvest facilities and services. Napakaraming dinadaanan ng produkto bago makarating sa merkado. The government must improve and facilitate farm to market linkages and provide additional support to post-harvest facilities,” sabi pa ng kongresista mula Sorsogon.

Nabatid kay Lee na sa ilalim ng 2023 national budget, P48.23 bilyon ang inilaan para sa pre-harvest activities habang P17.14 bilyon ang sa post-harvest facilities at services.

Malaking bahagi ng budget para sa post-harvest facilities ngayong taon ang ipatutupad ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).

Ayon kay Lee, personal siyang nakipagpulong kay PhilMech Director Dr. Dionisio Alvindia sa budget briefing noong nakaraang taon at sa ilang pagkakataon upang muling ipahiwatig ang pangangailangang mabilis na magbigay ng karagdagang suporta sa mga post-harvest facility, kung saan ang huli ay sumang-ayon naman.

ROMER R. BUTUYAN