NANAWAGAN kahapon ang isang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik sa P10 ang minimum na pasahe sa jeepney mula sa kasalukuyang P9.
Ito, ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (FEJODAP) president Zenaida Maranan, ay makaraang pumalo na sa P39 hanggang P40 ang presyo ng mga produktong petrolyo, partikular na ang diesel.
Aniya, mas mataas ito ng P2 sa dating presyo ng petrolyo at posibleng mas tumaas pa sa mga susunod na linggo matapos ipatupad ang ikalawang bugso ng excise tax sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law simula ngayong Enero.
Binigyang-diin ni Maranan na dapat nang magpalabas ng provisional fare increase si LTFRB Chairman Martin Delgra para maibalik ang piso na tinapyas sa minimum na pasahe sa jeepney noong Disyembre dahil sa sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo.
Samantala, sinabi naman ni Pasang Masda President Obet Martin na masyado pang maaga para humirit ng dagdag-pasahe dahil kaya pa aniyang pasanin ng mga operator at driver sa ngayon ang ipinatupad na oil price hike noong Martes.
Ani Martin, saka na lamang sila hihirit ng fare hike kapag umabot na sa P44 ang kada litro ng diesel.
Nanawagan din ang FEJODAP sa pamunuan ng LTFRB na ibalik na sa dating sistema ng pagbalangkas ang mga inilalabas na fare matrix ng ahensiya.
Ayon kay Maranan, walang basehan ang ngayo’y inilalabas na fare matrix sa tuwing may dagdag-pasahe.
Aniya, dati ay maliwanag na nakasaad sa fare matrix kung saang mga lugar na may katumbas pang kilometro magiging epektibo ang dagdag-pasahe na ipatutupad.
Ito’y para na rin, aniya, sa kalinawan ng mga tsuper, maging ng mga pasahero sakaling magkaroon nga ng dagdag-pasahe. DWIZ 882
Comments are closed.