HOLDAPER NA NANUTOK SA JAIL OFFICER KALABOSO

arestado

PASAY CITY – ARES­TADO ang isang holdaper matapos na tutukan ang isang baguhang jail officer sa isang follow-up operation kamaka­lawa ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Pasay police chief P/Colonel Bernard Yang ang inarestong suspek na si Marvin Amparado, 27, ng Baclaran, Parañaque City.

Ang biktima ay kinilalang si Angelo Badong, 31, jail officer na naka-assign sa Parañaque City jail, ng Singalong, Malate, Manila.

Base sa report ni Yang na kanyang isinumite sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto sa suspek dakong alas-6:20 ng gabi kamakalawa sa Atang dela Rama Street sa harapan ng Amazing Show, Barangay 76, Zone 10, Pasay City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nagsasagawa ng patrolya ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1 na sina Corporals Bennie Basilio, Jerald Palisoc, Adel Ryan Espinas, at Eman Chris Mantaring na pinamumunuan ni P/Capt Romel Bulan nang lumapit sa kanila ang biktima at ini-report nito na siya ay nabiktima ng holdap sa lugar.

Hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang awtoridad at inikot ng mga ito ang lugar kasama ang biktima.

Makaraan ang ilang minutong pag-iikot sa lugar ay namataan ng biktima ang suspek kung kaya’t agad na bumaba ng sasakyan ang awtoridad at dinakma ang suspek na pilit pang nagpupumiglas at nanlalaban sa mga alagad ng batas hanggang sa maposasan ang naturang suspek.

Sa pag-iinspeksiyon sa suspek ay narekober sa kanyang posesyon ang isang granada; isang natitiklop na kulay asul na patalim na may habang anim na pulgada at isang coin purse na naglalaman ng kanyang driver’s license at P470.

Agad na dinala sa Pasay City General Hospital ang suspek para sa kanyang medical examination bago ito itinurn-over sa Station Investigation Division and Management Bureau (SIDMB) para sa pagsasagawa ng pormal na imbestigasyon. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.