Mga laro sa Miyerkoles:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Converge vs NorthPort
8 p.m. – Magnolia vs Blackwater
ITATAYA ng Magnolia ang malinis na marka sa pagharap sa Blackwater sa PBA Season 48 Commissioner’s Cup ngayong Miyerkoles sa PhilSports Arena.
Nakatakda ang salpukan sa alas-8 ng gabi kung saan target ng tropa ni coach Chito Victolero ang ika-6 na sunod na panalo at higpitan ang kapit sa liderado sa kalagitnaan ng elimination round, habang sisikapin ng mga bataan ni Jeff Cariaso na putulin ang five-game slide.
Liyamado ang Hotshots na nasa mainit na streak mula pa sa preseason. Sila ay nasa 16-0 run mula sa On Tour series.
At binobomba nila ang mga katunggali kahit hindi naglalaro si ace do-it-all forward Calvin Abueva dahil sa injury.
Ang Hotshots ay humuhugot ng lakas kina combo guards Paul Lee, Mark Barroca at Jio Jalalon.
Noong nakaraan ay naharap sila sa matinding bakbakan kontra NLEX Road Warriors nang pamunuan ni Jalalon ang high-energy second-half rampage tungo sa 99-72 panalo.
“Si Jio ang spark namin. He’s our energy guy. When he came in the third quarter, nag-iba yung tempo ng game,” sabi ni Victolero patungkol kay Jalalon, ang Defensive Player of the Year noong nakaraang season.
Si Jalalon ay tumapos na may 11 points, 8 rebounds at 8 assists para suportahan sina Tyler Bey (23 points), Barroca (19 and nine assists), Lee (14) at James Laput na nagbuhos ng career-high 16 markers.
Wala namang plano si Victolero na magkampante at pinaalalahanan ang kanyang tropa na maging consistent para mapanatili ang walang dungis na record.
“We try to remind our prayers about playing strong and finishing stronger. Kailangan ng reminders, No. 1 paalala to run our system,” ani Victolero.
CLYDE MARIANO