MAKARAANG walisin ang PBA On Tour ay nakatutok ngayon ang lahat sa Magnolia Hotshots papasok sa Season 48, dalawang linggo mula ngayon.
Ang Hotshots ay title favorite para sa season-opening Commissioner’s Cup dahil sa kanilang unbeaten 11-0 record sa pre-season tournament, tatlong buwan na ang nakalilipas.
Buo pa rin ang tropa ni coach Chito Victolero para sa bagong season at kinuha ang serbisyo ni dating NBA player Tyler Bey para palakasin ang Hotshots.
Hindi nakapagtataka kung binigyan ng hamon ang koponan na kunin ang unang kampeonato nito sa loob ng limang taon.
“My instruction to the boys is championship, nothing less,” pagbabahagi ni Magnolia governor Rene Pardo sa kung ano ang hinahangad ng multi-titled franchise sa import-flavored conference.
“We will see. Hopefully, I can be correct.”
Ang Hotshots ay walang rookie player sa kanilang intact roster para sa season na kinabibilangan nina Paul Lee, Calvin Abueva, Jio Jalalon, Ian Sangalang, Mark Barroca, Rome dela Rosa, Aris Dionisio, Jerrick Ahanmisi, Abu Tratter, Rafi Reavis, David Murrell, James Laput, Jed Mendoza, Russel Escoto, at newly-signed Joseph Eriobu. Si Jackson Corpuz ay nasa injured/reserved list.
Subalit ito pa rin ang parehong koponan na walang talo sa On Tour kung saan nanalo ang Magnolia ng double digit margins maliban kontra NLEX (103-97) at Converge (99-95).”The others, medyo naiwan,” ani Pardo.
Kaya magandang kasunod sa naturang tagumpay kung sa wakas ay makokopo ng Hotshots ang kanilang unang titulo magmula noong 2018 Governors’ Cup.
“Iniisip ko nga kung magpapa-dehado ako, pero I think I will be a hypocrite kung sasabihin ko na mahina ‘yung team ko,” sabi pa ni Pardo.
“That doesn’t say na we will rest on that 11-0 run. We will go after that long championship na inaasam-asam ng Magnolia.”
Sisimulan ng Hotshots ang season sa pagsagupa sa TNT Tropang Giga sa nag-iisang opening game sa Nov. 5 sa Araneta Coliseum.