HOTSHOTS TUMATAG SA NO. 2 SPOT

Mga laro sa Miyerkoles:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Meralco vs NLEX
5:45 p.m. – Converge vs Ginebra

SUMANDAL ang Magnolia sa malakas na third quarter upang pataubin ang Meralco, 108-96, at palakasin ang kanilang kampanya para sa outright top two finish sa PBA Commissioner’s Cup eliminations kahapon sa PhilSports Arena.

Naitala ni Paul Lee ang 11 sa kanyang team-high 27 points sa third upang pangunahan ang balanced attack sa magkabilang dulo ng floor na nagbigay-daan para ma-outscore ng Hotshots ang Bolts, 47-23, at kunin ang 93-74 kalamangan papasok sa fourth canto.

Maging ang pagkakalagay sa foul trouble ni import Nico Rakocevic ay hindi nakaapekto sa Magnolia kung saan napalobo pa nila ang kanilang bentahe sa 21 points ng dalawang beses bago napigilan ang paghahabol ng Meralco.

Umangat sa 9-2 kartada, kailangan ng Hotshots na mamayani sa Rain or Shine sa Biyernes para selyuhan ang No. 2 seeding sa likod ng Dragons at kunin ang huling win-once advantage sa quarterfinals.

“Our destiny is in our hands,” sabi ni deputy coach Jason Webb, humalili kay head coach Chito Victolero sa post-game presser.

“We’ve got two games, we’ve handled Game One today and on Friday if we handled that the same way we did today then we get a bit of an advantage for the quarterfinals,” dagdag ni Webb.

Binigyang kredito rin ni Webb ang naging hamon ni Victolero sa halftime break para sa explosion na pinakamataas sa isang quarter na namalas ng liga magmula nang maitala ng Phoenix ang parehong output sa last period ng pagkatalo sa TNT sa 2016 Governors’ Cup.

“They definitely responded,” ani Webb. “We scored 37-to-nothing in fastbreak and turnover points in that third quarter. That really turned things around.”

Habang nanalasa si Lee sa pagkamada ng tatlo sa kabuuang anim na triples ng Hotshots sa quarter, ginawa ng kanyang teammates ang kanilang parte, kabilang sina Rakocevic, Mark Barroca, Ian Sangalang, Jio Jalalon, Rome dela Rosa at Calvin Abueva.

Tumapos si Abueva na may 17 points at 5 rebounds, nagbuhos si Rakocevic ng 16 points at 20 boards, tumabo si Jalalon ng 12 points at 5 steals, at kumubra sina Sangalang at Barroca ng tig-11 markers.

Nanguna si KJ McDaniels para sa Bolts na may 32 points, 9 rebounds at 4 assists ngunit gumawa ng 5 turnovers habang nagdagdag sina Aaron Black ng 16 at Bong Quinto ng 14 points.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Magnolia (108) – Lee 27, Abueva 17, Rakocevic 16, Jalalon 12, Sangalang 11, Barroca 11, Dela Rosa 6, Ahanmisi 3, Reavis 2, Corpuz 2, Laput 1, Wong 0, Dionisio 0.
Meralco (96) – McDaniels 32, Black 16, Quinto 14, Banchero 11, Johnson 9, Almazan 8, Caram 2, Hodge 2, Pascual 2, Maliksi 0, Hugnatan 0, Pasaol 0, Jose 0.
QS: 27-21, 46-51, 93-74, 108-96.