HUBAD NA BANGKAY NATAGPUAN

bangkay

IFUGAO PROVINCE – ISANG hubad na bangkay ng lalaki ang natag­puan ng mga residente sa Sta Maria, Alfonzo Lista, Ifugao na pinaniniwalaang itinapon lamang ng mga salarin upang iligaw ang mga awtoridad sa kanilang ginawang krimen.

Ayon kay P/Chief Insp. Nelson Venus, hepe ng Alfonzo Lista Police Station, nakita ang hubad na bangkay malapit sa irrigation canal na nakasuot lamang ng pang-ibabang saplot. Ito ay may taas na 5’2, may hikaw, mayroong tattoo na colored butterfly sa likurang bahagi ng kanyang balikat at tinatayang nasa edad na 25-30 ito.

Sa pagsusuri ng mga awtoridad lumalabas na sinakal muna ang biktima saka pinalo sa ulo ng isang matigas na bagay na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ang bayan ng Sta Maria, Alfonzo Lista, Ifugao ay kalapit lamang ng boundary ng bayan ng San Mateo, Isabela, na kung saan ang pagitan lang nito ay isang ilog, kaya may hinala ang mga kapulisan na ang nasabing bangkay ay maa­aring residente ng San Mateo.

Kayat panawagan ng Alfonzo Lista Police Station, na kung sino man ang may nawawalang kamag-anak  ay magtungo lamang sila sa isang punerarya sa Sta. Maria, Ifugao. IRENE GONZALES

Comments are closed.