HINDI na bago sa ating pandinig ang salitang “smuggling.”
Talamak kasi ito sa Pilipinas, lalo na ng agricultural products na pinapahina ang lokal na industriya ng pagsasaka sa bansa.
Sa mga pagdinig sa Senado, aba’y maraming nabunyag.
Gayunman, nakapagtatakang ngayon lang ito tinalakay nang husto kung kailan malapit na ang eleksiyon.
Ngunit ang totoo, napakatagal na ng problemang ito.
Isiniwalat ng maraming samahan ng mga magsasaka at suppliers ang nangyayari sa adwana at ang posibleng papel ng mga kinauukulang ahensiya.
Kaya inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na magkasa ng hiwalay na imbestigasyon ukol sa talamak na smuggling daw ng agri products.
Isinusulong din ang pagkakaroon ng bagong trade intelligence unit sa Department of Agriculture (DA) dahil kung pagbabatayan daw ang mga umiiral na batas ay tali ang kamay ng DA para supilin ang ismagling at ang mga sangkot dito.
Tututukan daw ng pagsisiyasat ng NBI ang smuggling ng ilang agri products, kabilang ang palm oil na idinedeklara raw bilang animal feeds ngunit kino-convert naman at ginagamit daw bilang vegetable cooking oil.
Magiging katuwang daw ng DOJ sa imbestigasyon ang Anti-Red Tape Authority (ARTA), gayundin sa pag-build up ng mga kaso laban sa government officials at private individuals na hinihinalang dawit dito.
Para kay Agriculture Undersecretary Fermin Adriano, mahalagang mas paigtingin pa raw ng DOJ ang investigation process at maging ang pag-usig ng mga kaso na may kinalaman sa agri smuggling.
Ang masaklap, hinihinalang may kinalaman daw ang DA sa mga kababalaghang ito.
Binanggit kasi ni Albay Representative Joey Salceda na ang ahensiya ang “nanay ng smuggling.’’
Pumayag daw kasi ang DA na mag-import ang bansa sa Malaysia ng palm oil na nagkakahalaga ng P300 bilyon na kung tutuusin ay napakalaking halaga.
Napakaraming mabibili ng halagang ito.
Hindi pa nga nareresolba ang malawakang smuggling ng gulay, karne, at prutas ay lumutang naman ang importasyon ng mantika.
Noong mga nakaraang buwan, nabunyag din ang plano raw ng DA na mag-angkat ng galunggong kahit na mayroon naman nito sa bansa.
Dahil sa pagbaha ng imported na agri goods sa mga pamilihan, halos hindi na nabibili ang local products natin.
Mas mura ang imported kaysa lokal dahil hindi marahil nagbabayad nang maayos ng tax.
Madalas “misdeclared” daw o kaya’y “underdeclared” para makaiwas sa buwis.
Hindi naman maaaring ibaba ang presyo ng lokal na agri sapagkat wala nang kikitain ang mga magsasaka.
Ang smuggled at imported items ay madalas galing sa mga kapitbahay nating bansa, tulad ng China at iba pa.
Talamak na rin daw ang smuggling ng bawang, sibuyas, prutas, at iba pa.
Ang madalas iniismagel ay ang bigas, bawang, asukal, arina at iba pang agricultural products.
Ngayon, palm oil naman daw na gusto yatang i-misdeclare pa.
Siyempre, walang ibang pinapaslang ng mga sangkot dito kundi ang local farmers.
Bunga ng tila hindi makontrol na pagpasok ng mga produkto, nawawalan sila ng kabuhayan na nagdudulot ng paghihikahos.
Nararapat lamang na parusahan nang mabigat ang mga ismagler.
Mahahalintulad din sila sa ilang senador, kongresista, at government officials na nasabit sa pork barrel scam noong araw na dapat mabulok sa bilangguan pero nakalaya nga lang.
Masakit ang katotohanan na napipilayan ang lokal na industriya sa mga ganitong gawain.
Madalas ang importasyon ay kinakasangkapan ng mga sangkot na opisyal at ismagler sa kanilang illegal activities.
Sa totoo lang, matagal nang panahon na ang local farmers ay inaagawan ng kabuhayan ng mga ismagler.
Sinasabing noong mga nakaraang taon, nagkaroon na rin ng pagdinig sa ilang usapin na may kinalaman sa ismagling pero nawala rin ito kalaunan.
Nawa’y ang imbestigasyon ngayon ay hindi lamang ginagawa dahil mag-eeleksiyon.
Dapat nang wakasan ang kalbaryo ng mga lokal na magsasaka at huwag sanang ningas-kugon sa kampanya laban sa ismagling.
Habulin at kasuhan ang smugglers ng agri products at ang kanilang mga protektor.