KUMUSTA, ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Dahil sa pandemya, nagbago ang paraan ng pagnenegosyo at pamimili ng mga tao. Ang ibayong pag-iingat at ang mga health protocols na siyang pangunahing ipinaiiral ng mundo ay namamayani at nagpapabago ng lahat ng kinagisnan sa pagnenegosyo, lalo na sa marketing. Ngayon, mas nagiging mahalaga ang digital marketing na pumapaloob dito ay ang ecommerce at social media. Sa pitak ko ngayon, babalikan natin ang halaga at iba’t ibang gamit ng social media sa pagnenegosyo. Silipin natin kung nasaan ka na ngayon sa larangang ito matapos ang halos isang taon ng paglaganap ng pandemya sa bansa. O, ano, tara na at matuto!
#1 Presensiya ng negosyo sa social media
Ang social media account sa mga tulad ng Facebook at Instagram ay ang pagkakaroon ng ibayong presensiya rito, laluna kung nandito ang mga mamimili mo. Sa Facebook, mahalaga ang pagkakaroon ng business account para mai-boost ang mga post mo. Sa halagang 50 pesos bawat boost na aabot sa halos 2,000 katao ang maabot, sulit na, ‘di ba? Gawin mo lang na propesyunal ang pagkakagawa ng page o business account para sa imahe ng iyong negosyo. Marami ring nakalilimot na may LinkedIn na social media para sa mga propesyunal. Mas pangnegosyo ang site na ito at ‘di basta-basta makakakonekta sa mga narito. Iba ang mga rules na ginagamit kaya alamin mo ang mga ito. Ang pangunahing social media platform na dapat gamitin sa Filipinas ay ang Facebook. Ang mahigit 50 milyong katao na puwedeng maging kostumer mo ay ‘di biro. Kaya dapat maayos ang pundasyon nito. Sa Facebook, may sariling 13-point checklist na ipinakikita ang mismong FB. Ilan dito ay ang paglalagay ng contact number, email addres at website address ng negosyo. Ayusin mo ang mga ito upang maging solido ang social media marketing mo.
#2 Halaga ng customer service sa social media
Alam mo na naman siguro ang halaga ng serbisyong para sa mamimili gaya ng simple ng pagsagot sa kanilang mga tanong. Ang gamit ng social media sa larangang ito ay malaki sa pamamagitan ng pagpapasimple ng proseso kung saan ang pag-PM (personal message) sa FB page ay madaling gawin. Umiiksi na tuloy ang proseso nito.Noong isang buwan, dahil kaarawan ng Chairman Emeritus ng isang kompanya namin, naisipan kong bumili ng mga prutas para sa kanya at ipadala sa bahay nila. Dahil taga-QC siya at ako naman ay nasa south ng Metro Manila, naisipan kong maghanapsa Facebook ng mga malalapit na puwesto ng bilihan ng prutas. Sa Nepa Q-Mart ako nakakita. Sa FB Messenger lang kami nag-usap at ipinadala sa GCash ang bayad, kasama ang pag-book ng magdedeliber. Nakarating ang regalo ko nang maayos nung araw na iyon. Tandaan mo na maraming paraan ang pagpapalawig ng relasyon sa mga kostumer at nais makuhang kostumer sa pamamagitan ng social media. Sa Facebook, ang maayos na setup ng chat o messenger ay mahalaga. Ito kasi ang gagamitin mong awtomatikong taga-sagot sa mga mag-me-message sa page mo. Puwede na kasing automated na ito. I-set up mo ito. Sa mga post mo naman, siguraduhing may link sa messenger o sa website o anumang contact details sa captions ng mga post. Para matapos nilang makita ang mga post mo, alam nila kung saan pupunta. Sa mga comment naman, i-manage mo itong mabuti. Huwag kang mag-engage sa mga negatibong comments. Sa halip, sagutin nang maayos at ituro sa messenger para pribado na ang pagsagot. Tandaan na ang gagawin mo sa page mo ay siyang magbubuo ng reputasyon mo. Kaya maging masinop sa istratehiya.
#3 Pagbebenta sa social media
‘Di na kaila sa atin na mahalaga ang social media upang maabot ang mamimili at dito na rin makapagbenta. Maaaring ‘di ko na kailangan pang pahabain ang ideyang ito dahil malamang alam mo na ito. Idagdag ko na lang ang paggamit ng iba’t ibang tools upang mas maging mabenta ang mga produkto mo sa social media.Una rito ay ang pagsasaayos ng itsura ng mga produkto mo. Dapat ay maganda ang pagkakakuha sa litrato man o video. Ikalawa, ay ang masinop na paglagay ng presyo at lahat ng detalye upang mabawasan ang pagtatanong ng mga kostumer. Siguraduhing malinaw ang pagkakalathala ng nasabing mga detalye lalo na ang paraan ng pag-order, pagbayad at pag-deliver. Lagyan din ng mga hashtags ang iyong mga post upang mas mabilis itong makita sa search. Tandaan lang na halos 80 porsiyento ng milenyal at GenZ na merkado ay sa video nahuhumaling. Ito kasi ang pinaka-epektibong paraan upang mahuli ang kostumer sa social media. Kaya namamayagpag ang live selling sa Facebook dahil sa aspetong ito Maraming uri ng video ang puwede mong gamitin. Nariyan ang gumagalaw na poster na video ang format. May mga online events o seminars kung saan mahabang diskusyon ang puwedeng gawin. At siyempre, may online video ads na maaaring gawin. Kung hirap kang mag-isip ng ga-gawin, manood muna ng mga video na nag-eendorso ng mga brands. Marami iyan, kasama na ang mga pagsingit ng brands sa mga influencer.
#4 Pagsaliksik sa kompetisyon
Lahat ng negosyo ay may kakompetensiya kahit papaano. Madalas, may nauna na sa ideya mo. Kaya naman kung magsasaliksik kang mabuti, may shortcut ka na sa social media marketing na negosyo mo. Sa paanong paraan?Kung sasaliksikin mo ang bawat aspeto ng mga ginagawa ng kakompetensiya mo sa social media, malalaman mo ang mga dapat iwasan, paghandaan at gagayahin o mas papalawigin, ‘di ba? Ang pagsaliksik sa kompetisyon ay simple, ngunit kailangang masinsin at may kaunting analysis. Search mo ang Facebook bilang pangunahing paraan kung saan makikita ang tungkol sa kanila. Kapag nakakita ka ng kapareho mong negosyo, malamang makikita mo sa baba o gilid ng search results ang iba pang kakompetensiya mo. Tandaan mo na maaaring direkta o ‘di direkta ang kompetisyon ha? Ang mga dapat tingnan ay ang mga piling produkto na kanilang mina-market at ano ang mga ginagawa nilang paraan sa pag-market sa social media, lalo na sa FB. Dito mo malalaman kung ano ang istratehiya nila sa kabuuan ng negosyo nila rito. Pag-aralan mo rin ang branding at pagpapalawig ng kanilang reputasyon.
#5 Alamin ang mismong pinaka-kostumer mo
Kung ‘di mo pa lubos na kilala ang merkado mo sa larangan ng social media, alamin mo ito. Alamin ang kung ano ang binabasa o pinanonood nila at kung ano ang mahahalagang bagay na kanilang pinagtutuunan ng pansin, pinag-uusapan at sinusundang mga isyu o bagay-bagay. May simpleng analytics ang FB Page na tawag ay Insights. Dito nakikita ang mga trends, likes at kung ano-ano pa ukol sa page mo. Mayroon ding mga libreng social analytics tools na makukuha online upang magawan ng forensics ang page mo at ang total reputation mo online. Ang pag-aanalisa ng kostumer mo ay isa sa pinakamahalagang aspeto ng paggawa ng istratehiya sa social media marketing mo.
#6 Branding para sa negosyo mo
Sa dulo, mahalaga ang pagsasaayos at pananatili ng branding para sa negosyo sa social media. Ang milyon-milyong posibleng kostumer ay naghahanap ng mga mabibili mula dito at ang brand na mas nakakapangusap sa kanila ay ang magwawagi. Ang laro ng branding sa social media ay may kinalaman sa reputasyong iyong nais iparating. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng focus of consistent na kulay, mensahe at iba pa na patungkol sa iyong branding. Panatilihin mo lang ito, ok?
Konklusyon
Ang pagtuon mo ng pansin sa social media marketing para sa negosyo o startup mo sa 2021 ay mahalaga. Dahil na rin sa pag-shift ng kostumer online ngayong pandemya, ayusin mo ang istratehiya rito. Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makararanas ng pagsubok. Tuloy lang!
ONLINE EVENT ANNOUNCEMENT!
Mayroon akong talk ukol sa social media para sa mga nasa Real Estate na inorganisa ng A Better Real Estate Philippines sa Pebrero 8. Tungo lang sa Facebook at hanapin ang hashtag na #apreb2021.
Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa [email protected].
Comments are closed.