(Ibinabala ng DOLE sa gitna ng P100 wage hike) TAAS-PRESYO SA BASIC GOODS, SERVICES

NAGBABALA kahapon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa posibleng pagtaas sa presyo ng basic goods and services sa gitna ng  P100 wage hike sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na bagama’t sang-ayon siya na ang dagdag-sahod ay magpapataas sa purchasing power ng mga manggagawa, maaari rin itong makaapekto sa maliliit na negosyo.

“Alam po natin na karamihan ng ating mga negosyante, nandoon sa maliliit na kategorya. Subalit meron po sigurong kakayanin, meron ding hindi kakayanin,” pahayag ni Laguesma.

“Kapag merong pag-uusap tungkol sa pagtaas ng suweldo, medyo nakakaramdam na po tayo ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin. Iyon pong may kinalaman sa transport. So para pong ano ‘yan chain reaction. Kaya ang lagi naman pong tinatanaw ng DOLE sana mabalanse,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, sinabi ni  Laguesma na naghahanap ang DOLE ng posibleng  interventions upang matulungan ang maliliit na negosyo sakaling ipatupad ang P100 minimum wage increase.

Aniya, titiyakin din ng interventions na ito na hindi mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa sa kabila ng financial impact ng wage hike sa kanilang mga employer.

Nitong Lunes ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagtataas sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor ng P100.

Ang Senate Bill 2534  o ang “An Act Providing for a 100 Pesos Daily Minimum Wage Increase for Employees and Workers in the Private Sector” ay nakakuha ng 20 affirmative votes, zero negative votes, at zero abstention.

Wala sa  session hall nang isagawa ang botohan sina   Senators Lito Lapid, Imee Marcos, Cynthia Villar, at  Mark Villar.

Ang SB 2534 ay produkto ng ilang panukalang batas na naglalayong itaas ang minimum wage, kabilang ang bersiyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri na humihiling ng P150 across-the-board increase sa minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa kasalukuyan, ang daily minimum wage sa National Capital Region ay P610.