(Igigiit sa Senado) LEGISLATED ACROSS-THE-BOARD WAGE INCREASE

ISUSULONG pa rin ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang legislated nationwide across-the-board wage hike sa kabila ng pagpapatupad ng inaprubahang P40 minimum wage increase sa National Capital Region (NCR) simula noong Hulyo 16.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang karagdagang P40 ay para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Nauna rito ay makailang ulit nang nagsumite ng panukalang batas si Revilla hinggil sa legislated wage increase simula pa noong first term niya sa Senado at hindi niya ito tinatantanan hanggang sa kasalukuyan.

Sa talaan ng Senado, isinumite ni Revilla ang SBN2179 para sa 14th Congress; SBN1981 naman noong 15th Congress; SBN937 noong 16th Congress; SBN71 noong 18th Congress; SBN2018 nitong 19th Congress at siya lamang ang nag-iisang author sa 16th at 18th Congress.

Ngayong 19th Congress ay nagsumite si Revilla ng proposal kasama si Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri, na nagsumite rin ng kanyang sariling bersiyon hinggil sa naturang panukala.

“Naniniwala ako na isa sa mga araw na darating ay makukuha natin ang tagumpay hinggil sa karagdagang sahod na dekada na nating ipinaglalaban, kaya nagpapasalamat ako kay SP Zubiri at mga kasamahan natin sa Senado dahil unti-unti ay lumiliwanag na ang lahat,” ani Revilla.

Idinagdag pa ni Revilla na ang mga manggagawa ay ang backbone ng ekonomiya ng bansa na kung hindi sa kanilang kasipagan ay hindi uunlad ang mga negosyo tungo sa paglago ng ekonomiya.

“Napakalaki ng utang na loob natin sa mga manggagawa, at kahit ngayong ipinatupad na ang P40 wage hike sa NCR ay naniniwala akong kulang na kulang ito para sa pang-araw-araw na gastusin kaya tuloy pa rin ang pagsulong natin sa P150 na dagdag sahod pa,” giit ng senador.

Sinabi pa ni Revilla na buo ang kanyang pag-asa na makakamit na ang matagal nang inaasam-asam ng mga manggagawa para kahit paano ay maibsan ang hirap na dinaranas ng mga ito.

-VICKY CERVALES