DAPAT bilisan ng pamahalaan ang pagdedesisyon sa pagpapatupad ng travel restrictions sa Hong Kong para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng Omicron variant, lalo na’t papalapit na ang holiday season, ayon sa isang reform advocate.
Sinabi ni Dr. Tony Leachon, dating adviser ng National Task Force against COVID-19, na dapat isama agad ang Hong Kong sa temporary travel ban lalo na’t napakalapit nito sa Pilipinas at maraming Filipino domestic workers ang inaasahang uuwi sa Christmas season.
Hanggang noong Linggo, ipinagbawal ng pamahalaan ang inbound flights mula sa 14 bansa, at hindi kasama rito ang Hong Kong na nananatiling bahagi ng yellow list.
Ang mga fully vaccinated traveler mula sa Hong Kong at iba pang yellow-listed countries ay kailangang magpakita ng negative RT-PCR test result na isinagawa sa loob ng 72 oras bago ang kanilang pag-alis.
Kailangan nilang sumailalim sa facility-based quarantine hanggang ilabas ang negative test result na isinagawa sa ikatlong araw at kukumpletuhin ang monitoring sa bahay.
“It would be prudent on our part to suspend inbound travelers, particularly from Hong Kong, because of the close proximity of that country to our shores,” paliwanag ni Leachon.
“And considering also the number of overseas contract workers who are homebound for the holiday season,” dagdag pa niya.
Hanggang noong 2019, tinatayang 240,000 overseas Filipino workers ang nasa Hong Kong, na dalawang oras mula sa Manila sa pamamagitan ng eroplano.
Bukod sa Hong Kong ay may kumpirmado ring kaso ng bagong variant ng COVID-19 sa South Africa, Botswana, Belgum, Israel, Germany at marami pang bansa. CNN PHILIPPINES