Inilunsad ng pamahalaan nitong Biyernes ang ika-82 Malasakit Center sa bansa, na matatagpuan sa COVID-19 designated hospital na Southern Isabela Medical Center, sa Santiago City, Isabela. Nabatid na ito na ang ikalawang Malasakit Center sa Isabela at ikatlo naman sa Region 2.
Sa kanyang mensahe, sa isang video call, sinabi ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na ang mga Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan matatagpuan ang mga concerned government agencies na may programang nagbibigay ng financial at medical assistance sa mga pasyenteng Pinoy, partikular na ang mga mahihirap at indigents.
“Lapitan ninyo lang ang Malasakit Centers para sa mga pangangailangan ninyong pangkalusugan. Para po ito sa lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap na nangangailangan ng tulong sa pampagamot. Sisiguraduhin natin na pagdating sa serbisyo mula sa gobyerno, sila ang ating uunahin palagi,” aniya.
Pinayuhan rin ng senador ang mga personnel at local officials na bigyan ng espesyal na atensiyon ang mga pinaka-vulnerable na miyembro ng komunidad at hinikayat ang mga awtoridad na gawing prayoridad ang kapakanan ng mga mahihirap at indigents na pasyente.
“Ang Malasakit Center po ay walang pulitika, basta Pilipino ka, lalo na kung poor and indigent patient ka, qualified ka po sa Malasakit Center,” ani Go. “Isa lang po ang ipinagbibilin ko at pakiusap ko sa ating health workers natin diyan, sa mga doctors, administrator ng ospital, unahin po natin ‘yung mga mahihirap at mga wala pong ibang matakbuhan, ito po ‘yung panahon na hirap na hirap na sila at humihingi ng tulong. Unahin natin at palaging protektahan ang kapakanan nila.”
Ang Malasakit Center ay ‘brainchild’ ni Go, at dito maaaring humingi ng tulong ang mga pasyente ng financial at medical assistance mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Philippine Charity Sweepstakes Office.
“Ngayon na may COVID-19, mas lalong kailangan po ang Malasakit Center para tumulong sa mga kababayan natin. Hindi na nila kailangan lumabas pa ng ospital at pumila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno hanggang madaling araw pa at d’un po nagkakahawa-hawaan. Sa Malasakit Center, isang opisina nalang na nasa ospital mismo ang pupuntahan nila,” paliwanag pa ni Go.
Ang Malasakit Centers Act of 2019 ay nilagdaan bilang batas ni Pang. Duterte noong Disyembre 2019 at layunin nitong gawing accessible para sa mga mamamayan ang lahat ng existing government medical at financial assistance programs, gayundin ay mapababa ang binabayarang hospital bills ng mga pasyente.
“Ngayon, mabilis na po ang proseso natin sa pagbibigay ng tulong. Hindi tulad noong unang panahon na palaboy-laboy pa sila. Hahanapin pa nila ang DSWD. Sa susunod na araw, hahanapin nila ang DOH, PhilHealth at PCSO. Ubos ‘yung panahon nila, ubos pa ‘yung pamasahe nila sa kakapila para humingi ng tulong,” aniya pa.
Samantala, nanawagan rin naman si Go ng kooperasyon sa imbestigasyong isinasagawa ng pamahalaan hinggil sa malawakang imbestigasyon ng pamahalaan sa alegasyon ng korapsiyon sa PhilHealth upang masigurong mapapanagot ang mga taong sangkot dito at mapaghuhusay ang serbisyo para sa mga mamamayan. PMRT
Comments are closed.