PLANO ng Department of Transportation (DOTr) na magpatupad ng cashless payment scheme para sa public transport sa pamamagitan ng bank cards at mobile phones upang mapagbuti pa ang kasalukuyang automated fare collection system (AFCS) sa modern jeepneys, buses, at rail lines.
Kinokonsidera ng DOTr ang payment methods na kinabibilangan ng paggamit ng quick response (QR) codes para sa mobile wallet applications, credit at debit cards, at near-field communications (NFC) technology sa mobile devices gaya ng smartwatches na maaaring gamitin sa mga bus, rail line, at modern jeepney.
Sinabi ng ahensiya na, “the AFCS technology in the mass transit system expands the fare media the public can use, while offering a secure payment system, improved passenger convenience, and helps lessen card-issue and management costs for transit operators.”
Ang mga bagong pamamaraan ng pagbabayad ay magpapalawak sa kasalukuyang pagsisikap ng DOTr sa paggamit ng automatic fare collection system (AFCS) public transport sa pakikipagpartner sa Landbank of the Philippines (Landbank) at sa paggamit ng kanilang Europay-Mastercard-Visa (EMV)-enabled bank cards sa modern jeepneys.
Inilunsad ng DOTr ang pilot production testing ng proyekto noong September 1, 2022 sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Layunin ng proyekto na beripikahin ang buong AFCS sa ilalim ng “real-time operating conditions”, gayundin ang compatibility nito sa mass transit system ng bansa.