(Ikinasa ng OWWA)PROGRAMA PARA SA MGA ANAK NG OFWs

ofw

INIHAYAG ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inaprubahan ng board of trustees nito ang isang resolusyon sa paglikha ng flagship program para sa proteksiyon at kapakanan ng mga anak ng overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon sa OWWA, ang Board Resolution Number 7 nito sa pagbuo ng OFW Children’s Circle (OCC) ay inaprubahan noong Hulyo 15 ng OWWA Board of Trustees na pinamumunuan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, kasama si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan ‘Toots’ Ople.

Ito ay makaraang sabihin ni Ople na nais ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na mapabuti ang buhay ng mga OFW at kanilang pamilya sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Sinabi ng OWWA na tutulungan ng OCC ang mga anak ng OFWs na ipakita ang kanilang mga malikhaing kakayahan at talento, pagbutihin ang kanilang mga kasanayan sa lipunan, gamitin ang kanilang mga mekanismo sa pagharap, at pagyamanin ang kanilang kamalayan sa mga adbokasiya na nakasentro sa kabataan at civic.

Tutulungan din ng programa ang mga bata na bumuo ng pakikipagkaibigan, bumuo ng mga potensiyal na pinuno sa kanila, at hikayatin ang kanilang pakikilahok sa pagbuo ng patakaran at programa.

“The OCC aims to help OFW children to achieve their full potential in community- and nation-building. It will also address the societal impact of labor migration, such as separation from an OFW-parent, as well as negative effects on their well-being and mental health,” ayon sa OWWA.

“OCC programs and activities aim to help children cope with the negative effects and social costs of migration, not to mention the effects of the COVID-19 pandemic and other global emergencies,” dagdag pa ng ahensiya. LIZA SORIANO