KUMUSTA ka na, ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Nitong nakaraang linggo, at hanggang sa oras na isinusulat ko itong pitak na ito, muling tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19. Sa muling pag-abot sa mahigit 5,000 ang bilang ng nag-positibo sa isang araw ay isang senyales na ‘di pa tapos ang laban natin. Kahit pa may dumarating nang mga bakuna, patuloy pa rin ang pagtaas nito. Kaya naman ang una kong naisip ay kung paano na naman ito makaaapekto sa mga negosyong lugmok na at pilit na bumabangon, ay heto na naman ang panibagong dagok. Kaya sa halip sa paglaki ng kita, talakayin muna natin ang ilang paraan upang makatipid ka sa gastusin at operasyon sa pagnenegosyo. Dahil ikaw man ay isang startup o isang M/SME na pilit umaarangkada, parehong sakop ka ng mga tips na ito. Tara na at matuto!
#1 Pagiging masinop sa paggamit ng enerhiya o koryente
Ang pagtitipid sa koryente ay isang simpleng paraan ng pagtitipid ng pera. Ang paggamit halimbawa ng LED na bumbilya ay malaking bagay na. Ang pagpapalit na rin ng LED na monitors ng PC at TV mula sa CRT at LCD ay malaki na rin ang maitutulong. Sa aircon at refrigerator (pati sa washing machine) ay may mga inverter na makina na rin na mas matipid ang konsumo ng koryente lalo na kung matagalan ang paggamit. Sabi nga nila, “go green” na tayo! Ito ang paggamit ng enerhiyang galling sa mga bagay na puwedeng ma-recycle. Sa kabilang banda, ito ay ang pag-iwas sa paggamit ng gasoline o krudo na siyang nagpapalala sa pagkitil ng kalikasan. Ano ba ang mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya na ‘di makasasama sa kalikasan – at magiging mura na lang ang pagkonsumo nito? Nariyan ang paggamit ng enerhiyang galing sa araw (solar), sa hangin (wind), at sa tubig gaya ng mga nasa dam. Ang mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya ay maaaring mahal sa unang pagbili, ngunit sa laki ng natitipid mo sa buwan-buwang gamit, makikita mo ang pagbawi sa investment.
#2 Rebyuhin ang mga supplier
Sa panahon ng krisis man o hindi, ang mga supplier mo ay may malaking ginagampanan na parte ng negosyo mo. Kaya naman dapat mong tiyakin na nasa ayos ang mga kontrata at nilalaman ng inyong mga usapan. Rebyuhin mo ang mga usapan mo sa mga supplier at baka rin maaaring makakuha ka ng mas mababang halaga ng mga produkto man o serbisyo. Noong 2020, na kasagsagan ng pandemya, halos 20 porsiyento ng aking mga kostumer ay humingi ng diskuwento sa aking serbisyo sa kanila. Ito naman ay aking ibinigay kaagad. Ito ang mga kostumer ko na taga-Europa na malaking dagok ang natamo noong 2020, gayundin ang ibang nasa Australia at Amerika. Nang makabangon naman sila (mga 4-6 na buwan din ‘yun), naibalik na ang dating presyo, at ‘di na rin ako nagtaas ngayong 2021. Ikaw, kumusta ang mga presyo mo sa mga supplier mo?
#3 Kumuha ng mga intern
Itong paraan ng pagkuha ng mga intern o OJT ay matagal na naming ginagawa. ‘Di naman talaga upang makatipid, kundi bilang tulong na rin sa mga nag-aaral sa kolehiyo. Noong kalagitnaan ng pandemya noong 2020, nagsimula kaming tumanggap ng mga intern na ‘di naman estudyante, kundi mga nawalan ng trabaho na nais makapasok sa industriyang ginagalawan ko, ngunit kulang o wala silang skills (o kasanayan). May bayad ang mga intern namin, siyempre. ‘Di nga lang kapareho ng mga may kasanayan na. Sa negosyo, malaki ang magagawa ng mga intern lalo pa’t handa silang sumabak at matuto. Isa sa mga intern namin ay nagtagal din ng mahigit isang taon, at ‘yung isa naman ay nasa amin pa rin at malapit na siyang maging partner sa isang bagong negosyo. Ikaw, may eksperyensiya ka na ba sa pagkuha ng mga intern?
#4 Paggamit ng teknolohiya
Sa aming negosyo, ang mga tools na gamit namin ay may kinalaman sa mga makabagong teknolohiya na siyang nagpapabilis ng aming mga trabaho at ‘di na kailangan ng maraming tao sa pagganap dito. Kailangan mong alamin sa iyong negosyo o startup kung ano-anong mga gawain ang kayang mapabilis o magampanan ng teknolohiya – software man o hardware. Isang halimbawa dito ay ang mga naglipanang accounting at HR software na malaking kabawasan sa trabaho ng ilang mong tauhan. Kung nakatutulong itong mga ito na pabilisin ang mga proseso mo, magaganit ang mga tauhan mo sa ibang hanay ng negosyo. Bukod dito, mas kakaunti na lang ang kakailanganin mong mga tauhan sa mga trabahong nasakop na ng mga teknolohiyang ito.
#5 Pag-outsource
Kamakailan, may isang klityente kaming naglipat ng trabaho sa amin na kung tutuusin ay kakailanganin namin ng dagdag na tauhan. Ang ginawa ko ay kumausap ako ng mga kilala kong eksperto sa mga larangang iyon at pinagpresyo ko sila. ‘Yung mas maba at mas magaling ay ang aming ginawang kapartner bilang isang outsource.Kung may mga gawain kang puwede mong i-outsource na, at pasok naman sa kita mo, gawin mo. Mas madali kang lalaki at ‘di mo alintana ang gastos dahil mas nakatitipid ka na sa tauhan at oras, kumita ka pa.
Konklusyon
Tandaan mo na maraming gawaing kasalukuyan mong ginagawa at ginagampanan na maaaring makatulong sa pagtitipid mo. Ang perang maiipon mo ngayong panahon ng krisis ay magagamit mo pa sa ibang bagay na magpapalaki pa ng negosyo mo. Sa lahat ng bagay, magpasalamat sa Diyos at magsipag, magtiyaga at maging positibo sa buhay at negosyo. God bless po!
Si Homer ay isang serial techpreneur at makokontak sa [email protected] na email.
Comments are closed.