(Ilulunsad sa Taiwan) ONLINE RENEWAL NG LISENSIYA

INAASAHANG makikinabang mula sa full online renewal ng driver’s license ang overseas Filipino workers at iba pang Pinoy sa abroad sa nakatakdang paglulunsad ng Land Transportation Office (LTO) ng naturang programa sa Taiwan sa susunod na buwan.

Sinisimulan na ng LTO ang pag-maximize sa paggamit ng teknolohiya bilang pagsunod sa full digitalization order ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang gawing mabilis at komportable ang lahat ng serbisyo ng gobyerno sa lahat ng mamamayang Pilipino.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, layon ng full online renewal ng driver’s license na mapagaan ang proseso para sa OFWs sa pakikipagtransaksyon sa LTO dahil dati-rati ay matagal bago muling maging valid ang kanilang lisensiya.

“We hope to fully implement this within this year. Once fully implemented, this is indeed a big help to all our clients, especially OFWs, because they do not have to go to our offices or wait for their return to the Philippines to renew their driver’s license,” ani Assec Mendoza.

“Tayo ay nagpapasalamat sa suporta ng ating DOTr Secretary Jaime J. Bautista upang maisakatuparan ang proyektong ito na siya namang bilin ng ating mahal na Pangulo to bring the government services closer to the people,” dagdag pa ng opisyal.

Para sa proyektong ito, sinabi ni Mendoza na patuloy silang nakikipagtulungan sa Department of Migrant Workers (DMW) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Hans Leo Cacdac.

At bilang simula, sinabi ni Mendoza na magkakaroon ng paglulunsad ng online renewal ng driver’s license sa Taiwan sa Setyembre ngayong taon.

Ipinaliwanag niya na ang digitalization efforts na ito ay ipakikita para sa mga Pilipino sa Taiwan sa isang malaking selebrasyon sa lugar kung saan inimbitahan ang LTO.

“Hindi lang ito sa Taiwan, buong mundo na po ito at malaking tulong ito para sa ating mga kababayan because the driver’s license we issue is recognized worldwide,” ani Mendoza.

Bukod sa Taiwan, sinabi ni Mendoza na kasalukuyan na silang nakikipagtulungan sa DMW upang palawakin ang saklaw ng programa sa Middle East, Europe, United States, at iba pang mga bansa na may malaking populasyon ng mga Pilipino. BENEDICT ABAYGAR JR.