IMPORT BAN SA SIBUYAS PALALAWIGIN

INIHAYAG ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagpapalawig sa import ban sa sibuyas dahil sa matatag na dami ng lokal na produksiyon.

Sa isang panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang kasalukuyang imbentaryo ng sibuyas ay maaaring tumagal ng walong buwan, o hanggang Pebrero sa susunod na taon.

Nitong Hunyo 21, ang bansa ay mayroong 161,973.73 metric tons (MT) ng red onions, 11,569.07 MT ng yellow onions, at 60 MT ng shallots.

Ang matatag na suplay ay iniuugnay sa 40 porsiyentong pagtaas sa lugar na tinataniman ng mga sibuyas.

Sinabi ni De Mesa na ang volume na ito ay maaaring tumagal hanggang Pebrero sa susunod na taon kung isasaalang-alang ang buwanang pagkonsumo ng sibuyas sa bansa na 21,000 MT o 17,000 MT ng pulang sibuyas at 4,000 MT ng dilaw na sibuyas.

“Meron pa naman tayong sapat na supply pero siyempre, kailangan nating isaalang-alang ‘yung shrinkage, give or take about 10 to 20 percent of the total volume. Malamang, within seven to eight months ‘yung total ng pwedeng itagal. ng level of stocks ngayon,” sabi pa ni De Mesa.

Aniya, ang kasalukuyang antas ng imbentaryo ng sibuyas ang nagtutulak sa pagpapalawig ng importation ban, na magwawakas sa katapusan ng Hulyo.

“Una, kasi marami nga tayong stocks. Kapag pumasok ang imported na mas mura it will drive down the price. So, we also need to consider iyong patong ng ating mga magsasaka,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Samahang Industriya ng Magsasaka (SINAG) chairperson Rosendo So na maaaring mawalan ng mga cold storage facility kapag hindi pinalawig ang import ban.

“Dapat huwag muna. Maybe kung gusto magpasok ng puting sibuyas, puwede naman until August. But now hindi pa kailangan, August 3rd week siguro puwede na mag-issue ng SPSIC ay maaaring maging ok na sa ika-3 linggo ng Agosto,” ani So.

EVELYN GARCIA