IMPORTED NA SIBUYAS IBEBENTA NA

HALOS 600 metric tons (MT) ng imported na sibuyas ang nasa cold storage at inaasahang maibebenta na sa loob ng linggong ito, ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI).

“Ayon sa latest information, nasa may 218 metric tons ng dilaw na sibuyas, or ‘yung puting sibuyas, 370 metric tons ng pulang sibuyas ‘yung nasa cold storage na,” pahayag ni BPI Industry Information Section OIC Jose Diego Roxas sa Laging Handa briefing nitong Martes.

Ayon kay Roxas, ang mga ito ay isinasailalim sa ikalawang border inspection — nangangahulugan na sinusuri ng mga awtoridad ang containers upang matiyak na tama ang pagkakadeklara sa mga ito.

Ang mga sibuyas na nasa storage ay bahagi lamang ng 5,000 MT na inaasahang darating ngayong linggo.

“Sa ngayon inaasahan natin na within this week maaari na nating mabili ‘yung mga sibuyas na pumasok,” dagdag ni Roxas.

Ang inisyal na plano ay ang umangkat ng 21,000 MT tons ng sibuyas, ngunit sinabi ni BPI officer-in-charge Gerald Panganiban na nasa 5,000 MT ang inaasahang darating dahil ang application para mag-import sa kasalukuyan ay sumasakop lamang sa 25% ng approved allotment.

Ayon kay Roxas, ang iba pang shipments ay inaasahang darating sa Biyernes, subalit magiging mahigpit, aniya, ang pamahalaan sa deadline.

“Pag merong hindi umabot, ‘yun ay pababalikin sa pinagmulan. Tayo po ay mahigpit na magpapatupad ng must-arrive date na January 27 para naman maging patas tayo at hindi bahain ng sobra-sobra ‘yung merkado ng sibuyas,” aniya.

Ang pag-angkat ng sibuyas ay inaprubahan ng gobyerno para mapababa ang presyo nito na kamakailan ay sumipa sa hanggang P700 kada kilo.