INAASAHANG bababa ang presyo ng mga gulay na nagmumula sa Benguet sa sandaling maging normal na ang panahon sa lalawigan, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni SINAG chairperson Rosendo So na bahagyang tumaas ang presyo ng mga gulay sa mga nakalipas na linggo dahil sa pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.
“‘Yung presyo naman, ‘yung pagtaas ay hindi naman ganu’n kalaki… ‘Yung cabbage, mga P5 per kilo. Itong carrots, P3 to P4 lang sa Benguet,” sabi ni So.
“Ang tingin naman natin, baka mag-normalize naman ito these few weeks kapag nag-normalize ang weather natin,” dagdag pa niya.
Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), sa highland vegetables, ang repolyo ay nagkakahalaga ng P70 hanggang P120 per kilo; carrots, P60 hanggang P120 per kilo; baguio beans, P80 hanggang P120 per kilo; white potato, P90 hanggang P130 per kilo; pechay baguio, P60 hanggang P100 per kilo; at sayote, P40 hanggang P80 per kilo.
Samantala, sa lowland vegetables, ang ampalaya ay nagkakahalaga ng P60 hanggang P120 per kilo; string beans, P70 hanggang P120 per kilo; pechay tagalog, P60 hanggang P120 per kilo; kalabasa, P25 hanggang P60 per kilo; talong, P50 hanggang P100 per kilo; at kamatis, P35 hanggang P70 per kilo.
Noong katapusan ng Mayo, ilang magsasaka sa La Trinidad, Benguet ang napilitang maagang anihin ang kanilang mga pananim dahil sa mga pag-ulan na dala ng bagyong Betty para maiwasang masira.