MAKAAASA ang mga motorista ng taas-presyo o rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ng industriya base sa international trading, ang presyo ng gasolina ay posibleng bumaba ng P0.20 kada litro o tumaas ng P0.20 kada litro.
Ang presyo ng diesel ay maaaring bumaba ng P0.10 kada litro o tumaas ng P0.30 kada litro, habang ang kerosene ay inaasahang may tapyas na P0.20 hanggang P0.30 kada litro.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ang paggalaw ay base sa fuel trading sa nakalipas na apat na araw (October 21-24).
Tinukoy ng Energy official ang mas mahinang demand sa China at US, surprise build sa US stocks, at ang inaasahang katatagan sa geological risk sa pagpapatuloy ng pag-uusap sa ceasefire sa pagitan ng Israel at ng Hamas na mga dahilan sa inaasahang rolbak.
Para sa inaasahang price hike, sinabi ni Romero na ang mga dahilan ay maaaring ang pagtaas ng demand para sa diesel sa South Korea na maaaring magpataas ng presyo sa Asia.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, October 22, ang presyo ng kada litro ng gasoline ay tumaas ng P0.50, diesel ng P0.70, at kerosene ng P0.85.
Samantala, sinabi ng Energy official na sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity, ipatutupad ang price freeze para sa household LPG at kerosene sa loob ng 15 araw simula sa petsa ng official declaration.