(Inaayos na ng Saudi gov’t) BACKWAGES NG 10K OFWs

ofw

INAAYOS na ng Saudi Arabia government ang lahat ng mga suweldong hindi nabayaran para sa 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) makarang mabangkarote ang kanilang pinapasukang kompanya. 

Sa panayam sa sidelines ng ASEAN-GCC Summit sa Riyadh, KSA, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiniyak sa kanya ng Saudi officials na babayaran ang unpaid wages ng mga apektadong OFW.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na may listahan ang Saudi government para sa mga unpaid wages at tanging ang detalye sa pamamahagi nito ang hinihintay ng mga awtoridad.

“Napo-process na ngayon ‘yun (backwag- es), we are already coming to the point na ‘yung detalye na lang ang pinag-uusapan. ‘Yung listahan ng mga claimant ay nalinis na, maayos na. At hinihintay na lang natin ang mga detalye na maisagawa sa pagitan ng panig ng Saudi,” dagdag ng Pangulong Marcos.

Ang pahayag ng Pangulo ay matapos hilingin sa kanya na magbigay ng update sa pagsisikap ng gobyerno na matiyak na maibibigay ang back wag- es ng mahigit 10,000 OFWs.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na walang ibang detalye ang maaaring ihayag tungkol sa settlement issue.

Sinabi pa ni Pangulong Marcosn na kabilang sa dahilan kung bakit nabangkarote ang mga kompanyang pinapasukan ng OFWs ay dahil sa COVID-19 pandemic.

Nangako, aniya, ang Crown Prince (Crown Prince of Saudi Arabia, Mohammed bin Salman) noong nakaraang taon sa kanyang bilateral meeting kay Pangulong Marcos sa APEC Summit sa Bangkok, Thailand ng humigit-kumulang 2 bilyong riyal para sa mga OFW na naapektuhan nang mabangkarote ang kanilang mga construction firm.

EVELYN QUIROZ