(Inaprubahan ng SBCorp ng DTI) P6-B LOANS PARA SA MSMEs

MAHIGIT sa P5.99 billion na halaga ng loans para sa maliliit na negosyo ang inaprubahan ng Small Business Corporation (SBCorp), ang financing arm ng Department of Trade and Industry (DTI), hanggang nitong Oktubre.

Sa kanilang website ay sinabi ng SBCorp na may kabuuang 36,661 micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang nakinabang sa ilalim ng Covid-19 Assistance to Restart Enterprises (CARES) loan program na pinondohan ng  Bayanihan 2.

Natulungan din ng parehong loan program ang 812 repatriated overseas Filipino workers (OFWs) sa ilalim ng  Bayanihan CARES HEROES program.

May kabuuang P45.6 million na halaga ng pautang ang ipinagkaloob sa displaced OFWs dahil sa pandemya.

Samantala, pansamantalang sinuspinde ng SBCorp ang aplikasyon para sa Bayanihan CARES 2 program noong nakaraang Oktubre 31 upang bigyang-daan ang loan applications para sa 13th month pay loan facility.

“Loan applications received after Oct. 31 shall be processed starting January 2022,” sabi ng SBCorp.

Sa ilalim ng 13th month pay loan facility ay makakautang ang mga kompanya na nangangailangan ng pondo para sa 13th month pay nang walang interest.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, ang maliliit na negosyo ay maaaring makahiram ng mula P50,000 hanggang P200,000 halaga ng loans para sa 13th month pay ng kanilang mga empleyado.

Ang micro and small businesses na interesadong mag-apply para sa 13th month pay loan facility ay maaaring magparehistro sa sbcorp.gov.ph/13th-month-pay-loan-facility/. PNA