BUMABA ang foreign investment pledges sa third quarter ng 2021 ng 45.8%, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Iniulat ng PSA ang P16.82 billion na aprubadong foreign investments (FIs) mula Hulyo hanggang Setyembre, na bumaba mula sa P31.03 billion na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon sa ahensiya, ang investment pledges sa third quarter ay nagmula sa Board of Investments (BOI), Clark Development Corporation (CDC), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Nangangahulugan ito na walang approvals na nagmula sa Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB), BOI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BOI-BARMM), at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
Ang Japan ang top source ng aprubadong investments para sa naturang panahon na may P11.16 billion na pledges, na bumubuo sa 66.4% ng kabuuan.
Kasunod ang Netherlands sa P1.56 billion o 9.2% ng overall FI approvals, at British Virgin Islands na may P698.32 million o 4.2% ng investment pledges sa third quarter.
Ang manufacturing sector ang pinaglagakan ng malaking bahagi ng investment commitments sa P11.01 billion, na katumbas ng 65.5% ng kabuuan.
May P2.70 billion na pledges naman ang mapupunta sa real estate activities, na 16% ng overall approved FIs, habang ang administrative at support service activities ay tatanggap ng 14.2% ng total commitments o P2.38 billion.
Pagdating sa rehiyon, ang Calabarzon ang nakakuha ng karamihan sa approvals sa third quarter sa P8.45 billion, o 50.2% ng overall pledges para sa period.
Sumusunod ang Ilocos Region at Central Luzon. Ang Region I ay nakatakdang tumanggap ng P3.4 billion na investment pledges o 20.2% ng kabuuan, habang nasa P2.12 billion o 12.6% ng approved FIs ang inaasahang mapupunta sa Region III.
“In the third quarter of 2021, approved projects with foreign interest were projected to generate 10,268 jobs based on reports of the IPAs (investment promotion agencies),” sabi ng PSA.