ITINUTULAK ng dalawang kongresista ang pagkakaloob ng incentives sa mga magsasaka sa bansa.
Ayon kay Deputy Speaker Arthur Yap, kung hindi magagawa ng gobyerno na itaas ang buying price ng palay na nasa P17 per kilo ay dapat na dagdagan ang insentibo ng rice farmers.
Aniya, dapat na taasan ang budget para sa agrikultura upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.
Sinabi ng kongresista na mula 2008 hanggang 2010 ay naglalaro sa 5% hanggang 6% ng national budget ang naibibigay sa agrikultura.
Pero pagsapit ng 2011 hanggang sa kasalukuyan ay sumadsad pa ang pondo para sa ahensiya, dahilan kaya walang masyadong naibibigay na ayuda ang pamahalaan sa mga magsasaka.
Inirekomenda ni Yap na samantalahin ang pagpasok ng harvest season sa bansa at dito buhusan ng pondo ang mga magsasaka.
Iminungkahi naman ni Committee on Appropriations Chairman Joey Salceda ang pagbibigay ng water funding incentives o irrigation, pagtatanim ng hybrid rice, pagbibigay ng capital, sapat na pasilidad at mechanization at pag-diversify sa high-value crops para sa mga magsasaka.
Ang mga ganitong insentibo ay makatutulong, aniya, sa mga magsasaka para maibaba ang cost of production na magbibigay sa kanila ng malaking kita. CONDE BATAC
Comments are closed.