INENG NAMBIKTIMA NG DALAGITA AT KELOT

Bagyong ineng

CAMP AGUINALDO – BAGO tuluyang nilisan ng Bagyong Ineng ang Philippine Area of Responsibility (PAR) dalawa katao ang ini-ulat na nasawi sa Ilocos Norte  partikular sa bayan ng Laoag  bukod sa daan-daang mga alagang hayop na tinangay at nasawi sa pagbaha  bunsod ng walang tigil na pag-ulan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ricky Manglanlan, ng Barangay 16, Laoag City, na sinasabing tinangay ng agos habang tumatawid sa tubig baha.

Ibinahagi naman ni Marcel Tabiji, OIC ng PDRRMC – Ilocos Norte, na isang  Pauleen Joy Corpuz, 17-anyos, ang nasawi nang matabunan ng gumuhong lupa sa naganap na landslide sa Barangay 28, Surong, Pasuquin, Ilocos Norte  ng hindi ito nakalabas ng kanilang bahay.

Ayon kay Dr. Melvin Manuel, Laoag City Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Officer, bandang alas-12:00 ng tanghali ay may dalawang tao ang iniulat na nalunod.

Habang may 24 bahay  ang nawasak sa bayan dahil sa malakas na ipo-ipo at nararanasang pag-ulan alas-5:00 ng umaga sa Barangay Gabu Norte, Laoag City

Bunsod ng pag-ulan nagpasaya ang pamunuan ng Ilocos Norte na ilagay ang  Laoag City at bayan ng Vintar, Ilocos Norte sa ilalim ng state of calamity sanhi ng pinsalang inabot nito bunsod ng mga pagbaha dala ng Tropical Storm Ineng.

Tinatayang aabot sa mahigit 500 katao ang naapektuhan ng bagyo sa buong hilagang Luzon.

Kinumpirma ni Vintar town Mayor Lariza Foronda na daan-daang mga alagang hayop ang nalunod sa baha sa may 33 barangay.

Sa Metro Manila, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR) Sabado ng umaga dahil sa lalim ng baha sa mga lugar na dinaraanan nito partikular sa Maynila.

Kinailangang tumigil ang operasyon ng tren dahil umabot na sa 24 na pulgada ang lalim ng baha, ayon kay PNR Operations Manager Jocelyn Geronimo.

Bandang 9:30 ng umaga ng suspendihin ang mga biyahe ng PNR, aniya.

Pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung dapat bang pababain mula sa tren ang mga pasahero na na-stranded dahil sa baha. VERLIN RUIZ

Comments are closed.