HUMIHIRIT ang Philippine Baking Industry Group (PhilBaking) sa Department of Trade and Industry (DTI) ng dagdag-presyo sa kanilang mga prdukto sa gitna ng pagmahal ng harina.
Ang presyo ng harina ay tumaas sa P1,030 kada sako mula sa P800 noong nakaraang Disyembre. Nagmahal din ang Class A flour sa P1,100 kada sako.
Maging ang presyo ng asukal ay tumaas din umano ng P50 kada sako.
Hiniling ng PhilBaking sa DTI na payagan silang magtaas ng presyo ng Pinoy Tasty ng P4.50 at Pinoy Pandesal ng P3.50.
Ayon sa grupo, ang taas-presyo ay ipatutupad sa dalawang bahagi — kalahati sa February 1, at ang kalahati pa sa April 4.
Napag-alaman na ang pagtaas ng presyo ng harina ay dahil sa pagsipa ng demand at paghigpit ng supply.
“Dahil wala tayong sariling trigo, bumibili tayo sa ibang bansa. Siyempre, we are dependent doon sa global prices. Parang gasolina ‘yan, parang krudo. Bakers are stuck with expensive wheat if they still want quality,” paliwanag ni PhilBaking President Johnlu Koa.
Nangako naman ang PhilBaking na ibababa ang presyo kapag humupa na ang presyo ng harina.