Ayon kay Ricardo ‘Boy’ Rebaño, presidente ng FEJODAP, masyado nang mabigat para sa mga tsuper ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Dalawang piso po ang panawagan ko sa ating pamahalaan para naman po maka-survive itong mga driver natin na kasalukuyan ay bumabalik sa paghahanapbuhay,” sabi ni Rebaño.
Posible namang pagbigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hiling na dagdag-pasahe ng mga tsuper ng pampasaherong dyip sa una o ikalawang linggo ng Setyembre.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Cheloy Garafil, alam naman nila ang mga pangangailangan ng mga tsuper na humihiling na itaas ang pasahe dahil sa inaasahan na namang malakihang dagdag-presyo o higit P6.10 taas-presyo sa kada litro ng diesel ngayong Martes, Agosto 30.
Sa isinagawang virtual briefing ng LTFRB, sinabi ni Garafil na ang usapin na lang ay kung magkano ang dapat na itaas sa pasahe.
“Dito sa fare hike petitions ng mga jeepneys, actually nandiyan na ang NEDA (National Economic and Development Authority) position. They’ve already submitted their position on it and we’re looking at their position paper na lang, at least we are waiting for their memorandum on September 3 and then we will act accordingly,” paliwanag ni Garafil.
“So, we can expect, siguro ang rate hike resolution nila will happen at the earliest will be the first week of September or the latest by the second of week of September,” ani Garafil.
Aniya, masyado nang hinog ang petisyon para sa taas-pasahe dahil noong huling humirit ang mga jeepney operator ay P44.00 ang kada litro ng diesel kung saan halos doble na ang itinaas nito.
Pagtitiyak ni Garafil, ikokonsidera sa pagdedesisyon ng LTFRB board ang epekto nito sa inflation at maging sa purchasing power ng publiko.
BENEDICT ABAYGAR, JR.