NAGLAAN ang Department of Agriculture (DA) ng P326.97 million na halaga ng ‘interventions’ para sa industriya ng sibuyas.
Layon nito na mapigilan ang pagtaas sa presyo ng produkto at matugunan ang kakulangan sa suplay.
Nasa P240.575 million ang para sa pagtatayo ng pitong bagong onion cold storage facilities.
Ang nasabing cold storage facilities ay inaasahang pakikinabangan ng mga onion grower sa Pangasinan, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Bataan, at Occidental Mindoro.
May inilaan ding P69.949 million para sa onion production support services, kabilang ang pagkakaloob ng seeds, seedlings, at iba pang farm inputs. Naglaan din ng P6.486 million para sa farm production-related machinery at equipment distribution.
Samantala, may P2.359 million ang inilaan para sa production facilities at P2.5 million para sa post harvest at processing equipment.