(Inilaan ng Senado) P50-M PARA SA DAGDAG NA TESDA ASSESSORS

DINAGDAGAN ng Senate Committee on Finance ng mahigit P50 milyon ang pondo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa accreditation ng mahigit 11,000 karagdagang assessors.

Iminungkahi ni Senador Win Gatchalian na dagdagan ng P50,012,000 ang pondo ng TESDA sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Regulatory Program para sa accreditation ng karagdagang 11,838 assessors.

Tinanggap ng Senate Committee on Finance ang panukala ni Gatchalian na susuportahan ang pagpapatupad ng libreng assessment at certification ng 420,967 mag-aaral sa Grade 12 na kumukuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) track.

Noon pa man ay isinusulong na ni Gatchalian ang assessment at certification ng mga mag-aaral sa senior high school sa TVL track upang makatulong sa kanila na makakuha ng magandang trabaho.

Bagaman malaking tulong ang certification para sa senior high school graduates na naghahanap ng trabaho, iniulat ng Department of Education (DepEd) na hindi lahat ng mga mag-aaral ay kayang magbayad ng assessment at certification.

Matatandaang nagmungkahi rin si Gatchalian ng P438.16 milyon sa ilalim ng Development Regulatory Program para sa assessment at certification ng mga senior high school graduates.

Para sa School Year 2020-2021, 6.7% o 32,965 sa 473,911 senior high school graduates na kumuha ng TVL track ang sumailalim sa assessment para sa national certification.

Siyamnapu’t pitong porsiyento naman o 31,933 sa mga kumuha ng assessment ang nakapasa.

“Sa kasalukuyan, may 7,500 na assessors ang TESDA at para mabigyan ng certification ang lahat ng ating mga senior high school graduates, kailangan natin ng karagdagang 11,000. Ang P50 milyong panukala ay gagamitin sa dagdag na bilang ng mga assessors para mabigyan ng assessment ang ating mga senior high school graduates. At kung meron na silang national certification, maaari na nilang magamit ito kung maghahanap sila ng trabaho,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Lumabas din sa pagsusuri ng tanggapan ni Gatchalian na 50% ng  senior high school graduates mula sa TVL track ang may trabahong tinaguriang elementary occupations, ang pinakamababang kategorya ng mga trabaho pagdating sa skills requirements. Halimbawa ng mga ito ang street vendors, cleaners, domestic helpers, car at window washers, at mga street sweepers.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, magiging triple ang assessment capacity ng TESDA sa 19,389 mula 7,551 sa pagwawakas ng 2024, sapat na para ipatupad ang assessment ng mga mag-aaral ng senior high school para sa kanilang national certifications (NC).

VICKY CERVALES