UMAABOT sa P1.081 billion ang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa mga health worker na nahawaan ng COVID-19 habang nasa duty ngayong taon.
Ayon sa DBM, ang halaga ay para sa sickness at death benefits ng public at private healthcare workers at non-healthcare workers sa health facilities na nahawaan o maaaring mahawaan ng coronavirus.
Ang mild o moderately ill personnel ay tatanggap ng P15,000, habang yaong severely o critically sick ay babayaran ng P100,000.
Samantala, ang pamilya ng HCWs at non-HCWs na nasawi dahil sa COVID-19 habang naka-duty ay tatanggap ng P1 million.
“The identification of COVID-19 classification of eligible HCWs and non-HCWs shall be based on the criteria set by the health department under DBM-DOH Joint Circular No. 2022-0002,” ayon sa ahensiya.
“The funds were charged against the regular budget of the DOH under the FY 2022 General Appropriations Act. Thus, the compensation will be transferred by the Department of Health to DOH-retained and corporate hospitals, DOH Treatment and Rehabilitation Centers, and Centers for Health Development, among other attached agencies and institutions,” dagdag pa ng ahensiya.
Gayunman ay tiniyak ng ahensiya na ipagpapatuloy nito ang timely approval ng budget para sa mga frontliner habang nakikipaglaban ang bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Nauna nang inihayag ng DBM na naglabas ang ahensiya ng P7.92 billion para sa allowance ng healthcare workers at iba pang personnel na may kinalaman sa pagtugon sa COVID-19.
Noong nakaraang taon ay maraming healthcare workers ang dumaing na hindi pa nila natatanggap ang allowances para sa kanilang serbisyo sa gitna ng pandemya.