MAHIGIT sa P128 million ang inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang tulungan ang mga naapektuhan ng magnitude 7 earthquake na yumanig sa northern Luzon noong nakaraang buwan.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, may 16,526 biktima ang nabenepisyuhan ng kabuuang P128,908.073.54 na inilabas ng ahensiya.
Aniya, malaking bahagi ng ayuda o mahigit P57 million ay ipinadaan sa Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Distressed Workers o TUPAD.
Ang TUPAD ay ang cash for work program ng DOLE para sa disaster response.
“The remaining part of the fund went to financing our continuing programs such as skills training, government internship program, livelihood and AKAP,” ani Laguesma.
Ang AKAP ng DOLE ay isang one-time financial aid na ipinagkakaloob sa overseas Filipino workers na naapektuhan ng krisis.
Ayon sa labor chief, ang mga lugar na sakop ng aid program ay ang Region 1 sa Ilocos, Region 2 sa Cagayan Valley at ang Cordillera Administrative Region (CAR).
Aniya, ang Ilocos Region ang nakatanggap ng pinakamalaking ayuda na nagkakahalaga ng mahigit sa P72 million na pinakinabangan ng 7,300 biktima, sumunod ang CAR kung saan matatagpuan ang Abra – ang epicenter ng lindol – ay tumanggap ng mahigit P55 million para suportahan ang 9,190 quake-hit residents.
Samantala, nasa P200,000 assistance ang ipinagkaloob sa Cagayan Valley na may 36 benepisyaryo.