INILUNSAD ng Department of Budget and Management (DBM) ang isang proyekto na makatutulong sa 75 bayan sa bansa na magkaroon ng access sa ligtas at malinis na tubig.
Ayon sa DBM, inilunsad nito ang Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting (SAFPB) project sa Cebu City noong Pebrero 21.
Ang SAFB project ay may kabuuang alokasyon na P1 billion sa ilalim ng Local Government Support Fund-SAFPB.
“Mayroon po tayong bago tayong programa — ang Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting, kung saan naglaan po ang DBM ng isang bilyong piso para sa 4th, 5th and 6th [class] municipalities, para magkaroon ng malinis na tubig ang ating mga kababayan,” sabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ang mga benepisyaryo ng proyekto ay kinabibilangan ng limang LGUs sa Quezon province, apat sa Bohol, at apat sa Lanao del Norte.
Ang bawat munisipalidad ay tatanggap ng P6 million hanggang P13 million para sa konstruksiyon ng water supply at sanitation projects ng kani-kanilang LGU.
Ayon sa DBM, ang proyekto ay “kakaiba” dahil gagamit ito ng “participatory budgeting,” nangangahulugan na hindi lamang government officials kundi pati ang Civil Society Organizations ay may partisipasyon sa pagtukoy, implementasyon, at pag-monitor sa mga proyekto.
Kaugnay ito sa commitment ng DBM na isulong ang open government sa bansa.