(Inirekomenda sa DOTr, DBM)REALIGNMENT NG PONDO PARA SA LIBRENG SAKAY

INIREKOMENDA ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte sa Departments of Transportation (DOTr) at Department of Budget and Management (DBM) na mag-realign ng pondo para matiyak ang operasyon ng Libreng Sakay program.

Kamakailan ay pinalawig pa hanggang sa katapusan ng taon ang libreng sakay sa mga commuter sa EDSA Carousel Busway habang mula August 22 hanggang November 4 naman ang libreng sakay sa mga mag-aaral sa MRT-3, LRT-2 at PNR.

Gayunman, mangangailangan ng P1.4 billion na pondo ang DOTr para matiyak ang implementasyon ng libreng sakay hanggang sa Disyembre pero wala nang pondo ang ahensya para rito.

Kinalampag ni Villafuerte ang DOTr at DBM na humanap ng paraan na maipagpatuloy ang operasyon ng libreng sakay lalo pa’t ito ang isa sa mga unang iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa unang araw ng kanyang pag-upo bilang Presidente ng bansa.

Iminungkahi ng mambabatas kina Transportation Secretary Jaime Bautista at Budget Secretary Amenah Pangandaman na maglipat o mag-realign ng pondo mula sa mga tanggapan at programang hindi masyadong napakikinabangan ng taumbayan.

Giit ng kongresista, ito na lamang ang pinakatulong na magagawa ng administrasyon para sa mga mahihirap at mga commuter na may mababang kita lalo pa’t matindi ang pagtaas ng presyo ng langis at inflation rate sa bansa na sinabayan pa ng dagdag-pasahe sa pampublikong transportasyon.