IMINUNGKAHI ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa mga bangko na magkaroon ng sistema na titiyak na tanging sa “registered devices” lamang makapagwi-withdraw o makapagta-transfer ng pera.
Kasunod ito ng pagkaalarma ng mambabatas sa ulat na mahigit 20 public school teachers ang nabiktima ng ‘phishing’ scam gamit ang kanilang accounts sa Land Bank of the Philippines.
Ayon kay Salceda, mukhang gumagamit ang mga scammer ng ibang devices para maisagawa ang mga hindi awtorisadong transaksiyon mula sa account na kanilang bibiktimahin papunta sa ibang bank accounts.
Payo ng mambabatas sa mga bangko, magkaroon ng sistema kung saan lilimitahan ang ‘access’ sa remote banking accounts sa mga ‘device’ o gadget na inirehistro ng account holder sa bangko.
“It appears to me that the scammers are somehow able to use other devices to transfer funds from the accounts to other accounts. I think the simplest fix is to limit access to remote banking accounts to devices that the account holder registered with the bank. That already closes the door to remote hacking of accounts. They have to get to your phone or to your computer to make unauthorized transfers,” ani Salceda.
Ibig sabihin, kung anong cellphone o computer ang gamit ng account holder sa kanyang mga online banking transaction ay iyon lamang ang papayagan na makapag-transfer o withdraw ng funds.
Pinarerepaso rin ng mambabatas ang identification requirements sa mobile banking applications upang matiyak na mismong account holder o iyong may-ari ng bank account talaga ang gumagamit nito.
Hiniling naman ni Salceda sa Landbank na ibalik sa mga biktima ng scam ang perang nawala lalo na kung mapatunayan sa imbestigasyon na kasalanan nila o may pagkukulang sila para protektahan ang accounts ng kliyente. CONDE BATAC