INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na huwag palayain si convicted rapist at murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ito ang ibinunyag ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa panayam sa kanya sa pagdiriwang kahapon ng National Heroes Day sa Taguig City.
Ayon kay Go, inatasan ni Pangulong Duterte sina Justice Secretary Menardo Guevarra at Bureau of Corrections chief Nicanor Faeldon na huwag palalayain si Sanchez.
“He (Duterte) made the order not to release Sanchez. Upon the order of the higher authority. Meaning, who is the higher authority? Only one, the President of the Republic of the Philippines,” wika ni Go.
Sinabi ng senador na masusing pinag-aralan ng Pangulo ang Republic Act 10592 o ang batas kaugnay sa Good Conduct Time Allowance at nabatid na hindi saklaw ang mga convicted prisoner na sangkot sa mga karumal-dumal na krimen.
Si Sanchez ay nahatulan ng pitong termino ng reclusion perpetua na may katumbas na 40 taong pagkabilanggo kaugnay sa panggagahasa at pagpatay sa University of the Philippines-Los Baños student na si Eileen Sarmenta at pagpatay kay Allan Gomez noong 1993.
Magugunita na sinabi ni Guevarra noong una na posibleng mapasama si Sanchez sa tinatayang 11,000 inmates na makikinabang sa Republic Act 10592, na umani ng mga negatibong reaksiyon mula sa publiko maging ang mga kaanak ng mga biktima.
Sinabi ni Go na maging siya ay hindi pabor na mapalaya si Sanchez
“Even me I said that he (Sanchez) should no longer dream of coming out from jail. You should suffer inside (the jail) for the sins that you had committed,” giit ni Go.
“Just remain there. Just wait for the sentence of Saint Peter,” dagdag pa ni Go. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.