INTEREST RATE NANATILI SA 6.25%

INTEREST RATES

PINANATILI ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang key policy rate sa 6.25 percent sa gitna ng patuloy na pagbagal ng inflation.

“At its monetary policy meeting today, the Monetary Board decided to keep the interest rate on the BSP’s overnight reverse repurchase facility at 6.25 percent,” pahayag ni BSP Governor Felipe Medalla sa isang briefing.

Ang inflation ay bumagal sa ika-4 na sunod na buwan noong Mayo sa 6.1 percent makaraang pumalo sa 14-year high na 8.7 percent noong Enero. Gayunman, ang inflation ay nananatili sa itaas ng target ng pamahalaan na 2 hanggang 4 percent.

Ito na ang ikalawang sunod na pagpupulong na nagpasya ang Monetary Board ng BSP na panatilihin ang policy rates.

Pinanatili rin ng Monetary Board ang key rate para sa overnight deposit facility sa 5.75 percent at ang overnight lending facility sa 6.75 percent.

Sinabi ni Medalla na ibinaba rin ng BSP ang inflation forecast nito sa 5.4 percent sa 2023 mula sa initial forecast na 5.5 percent. Para sa 2024, ang inflation forecast ay bahagyang itinaas sa 2.9 percent mula 2.8 percent.

“Given these considerations, the Monetary Board deems it appropriate to maintain current monetary policy settings to allow the BSP to further assess how inflation and domestic demand have responded to tighter monetary conditions,” sabi ni Medalla.