NAGPASIYA kahapon ang Monetary Board (MB) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na panatilihin ang key rates, sa unang policy meeting nito sa ilalim ng liderato ni Governor Benjamin Diokno.
Sa isang press conference, sinabi ni Diokno na pinanatili ng MB ang overnight borrowing rate sa 4.75 percent, ang overnight lending rate sa 5.25 percent, at ang overnight deposit rate sa 4.25 percent.
“The Monetary Board’s decision is based on its assessment that prevailing monetary policy settings remain appropriate,” wika ni Diokno.
“Inflation pressures have eased further since the previous monetary policy meeting, reflecting mainly the decline in food prices amid improved supply conditions,” sabi pa niya.
Ito ay makaraang ihayag ni BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo na umaasa ngayon ang BSP na babagal ang inflation rate sa 3.0 percent ngayong taon mula sa naunang pagtaya na 3.1 percent.
Kabilang sa downside risks sa inflation ay ang lower-than-expected inflation noong Pebrero na iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 3.8 percent.
Bukod dito, sinabi ni Guinigundo na ang inaasahang mas mabagal na inflation ay bunga ng tinatayang pagbaba ng presyo ng Dubai crude oil sa average na $64 per barrel kumpara sa naunang forecast na $69.41 per barrel.
Gayunman, sinabi ni Diokno na ang nagaganap na budget impasse ay maaaring makaapekto sa government spending.
“The Monetary board observed that overall prospects for domestic activity continue to be firm, supported by a projected recovery program in household spending and the continued implementation of the government’s infrastructure program,” aniya.
“However, there are risks to economic growth in 2019 if the current budget impasse in Congress is not resolved soon,” dagdag pa niya.
Ang Filipinas ay kasalukuyang nag-o-operate sa reenacted budget dahil sa hindi pagkakasundo ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Bagama’t ang inflation ay bumagal sa one-year low na 3.8 percent noong Pebrero, ang year-to-date average na 4.1 percent ay nanatiling nasa labas ng 2-4 percent target ng central bank
Naniniwala si Michael Ricafort, isang economist sa Rizal Commercial Banking Corp, na posibleng hintayin ng BSP na bumaba ang year-to-date inflation sa below 4 percent bago magpatupad ng anu-mang pagbaba sa local policy rates.