NAGPASIYA ang Monetary Board (MB) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na panatilihin ang key interest rates dahil sa inaasahang pagbagal ng inflation ngayong taon at sa mga susunod pa.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, pinanatili ng board ang rates sa kasalukuyan nilang levels—overnight borrowing sa 4.5%, overnight lending sa 5.0%, at ang overnight deposit rate sa 4.0%.
Kasabay nito, binabaan din ng central bank ang inflation forecast nito sa 2.7 percent para sa 2019 at 3 percent para sa 2020 sa likod ng paglakas ng piso at ng pagbaba ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Ang naunang forecast ng BSP ay 2.9 percent inflation ngayong taon at 3.1 percent sa susunod na taon.
Bumilis ang inflation noong Mayo sa 3.2 percent mula sa 3 percent noong Abril, subalit nanatili itong pasok sa 2-4 percent target range ng BSP.
Sinabi ni Diokno na ang inflation expectations ay lalo pang bumagal.
“At the same time the monetary board observed that the risk to the inflation outlook are broadly balanced for 2019 and 2020,” ani Diokno.
Magugunitang itinaas ng BSP ang benchmark rate nito ng 175 basis points noong 2018 upang makontrol ang inflation na pumalo noong mga panahong iyon sa halos 10-year highs.