ITINAAS kahapon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rates sa 6.25% makaraang manatiling mataas ang inflation noong nakaraang buwan.
Ang hakbang ng Monetary Board na taasan ang policy rate ng 25 basis points (bps) o quarter ng isang percentage point ay kasunod ng 50-bp hike noong Pebrero.
Epektibo ang rate hike sa Biyernes, Marso 24.
Ang central bank rates ay ginagamit na batayan ng mga bangko at lending companies para sa kanilang loan, credit card, at deposit rates.
Ang mas mataas na rates ay magreresulta sa mas mahal na borrowings mula sa mga bangko at lending companies.
Nangangahulugan ito na ang mga consumer na nais makakuha ng car at house loans, gayundin ng business capital, ay magbabayad ng mas malaki sa interest.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang inflation ay bahagyang bumaba sa 8.6% mula sa 8.7% noong Enero.