(Inudyukan ng militante?) RESIDENTE BIGO SA FOOD PACKS NAGPIKET,  DINAMPOT

food pack

QUEZON CITY -NASA 20 katao na umano’y humihingi ng food packs ang inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) nakaraang magbarikada ang mga ito sa Service Road sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.

Ayon sa record ng QCPD, alas-11 ng umaga nang magbarikada ang mga ito sa panulukan ng Kilyawan at EDSA kaya agad na rumesponde ang pulisya.

Sinasabing pinakiusapan ng pulisya ang mga nagpakilalang residente ng Sitio San Roque na sakop ng nasabing barangay na buwagin ang kanilang barikada at magsiuwi na lamang subalit umalma ang mga ito at pilit na humihiling ng pagkain.

Dahil sa pagpalag ng mga nagbarikada ay nagkagulo at mayroon pang naghagis ng mga bote.

Sa mga inaresto, 16 ang lalaki at apat ang babae.

Isang ginang naman ang nakiusap sa pulisya na pakawalan na ang kaniyang mister at iginiit na nais lamang nilang mabigyan ng pagkain ng pamahalaan.

Nang tanungin kung bakit sila nagbarikada ay may nagsabi lang aniya na may ibinigay na pagkain subalit tanghali ay wala pa rin.

Nang tanungin ang ginang kung saan ito nakatira ay walang maituro at hindi rin nito alam ang pangalan ng kanilang barangay chairman.

Kinalaunan ay napag-alaman na ilang miyembro ng militanteng KADAMAY ang nanguna sa piket.

Agad namang nagpahayag ang Quezon City Hall na pakikiusapan nila ang pulisya na palayain ang mga inaresto kung lehitimong residente ng nasabing barangay.

Sa panig naman ng pulisya hinggil sa kanilang pag-aresto sa 20 katao, sumunod lamang sila sa protocol ng enhanced community quarantine na dakpin ang magsasagawa ng mass gathering.

Naniniwala naman si Lt Gen. Guillermo Eleazar,  PNP Deputy Chief for Operations at komander ng Joint Task Force CV Shield na naudyukan lamang ang magbarikada at mali ang ginawa ng mga ito dahil bawal ang mass gathering na posibleng magkatoon ng pagkakahawa-hawa ng sakit.

Sa ngalan ng PNP,  nakiusap din nh heneral na manatili sa tahanan upang makaiwas sa sa­kit. PILIPINO MIRROR REPORTORIOAL TEAM